2 Mga Cronica 18:7-21 Ang Biblia (TLAB)

7. At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon: nguni't kinapopootan ko siya: sapagka't kailan man ay hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi laging kasamaan; si Micheas nga na anak ni Imla. At sinabi ni Josaphat, Huwag magsabi ng ganyan ang hari.

8. Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang pinuno, at kaniyang sinabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.

9. Ang hari nga ng Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nakaupo bawa't isa sa kanikaniyang luklukan na nakapanamit hari, at sila'y nakaupo sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nanganghula sa harap nila.

10. At si Sedechias na anak ni Chenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria, hanggang sa mangalipol.

11. At lahat na propeta ay nanganghulang gayon, na sinasabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.

12. At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya na sinasabi, Narito, ang mga salita ng mga propeta ay nagsaysay ng mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko nga sa iyo na ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.

13. At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Dios, yaon ang aking sasalitain.

14. At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, magsisiyaon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi niya, Magsiyaon kayo at magsiginhawa nawa; at sila'y mangabibigay sa inyong kamay.

15. At sinabi ng hari sa kaniya: Makailang ipasusumpa ko sa iyo na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin kundi katotohanan sa pangalan ng Panginoon?

16. At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito'y walang panginoon; umuwing payapa ang bawa't lalake sa kaniyang bayan.

17. At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya'y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan?

18. At sinabi ni Micheas, Kaya't dinggin ninyo ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.

19. At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab na hari sa Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa'y nagsalita na nagsabi ng ayon sa ganitong paraan, at ang iba'y nagsabi ayon sa gayong paraan.

20. At lumabas ang isang espiritu, at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sa ano?

21. At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at ako'y magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.

2 Mga Cronica 18