1. Si Josaphat nga ay nagkaroon ng kayamanan, at dangal na sagana; at siya'y nakipagkamaganak kay Achab.
2. At pagkatapos ng ilang taon, kaniyang nilusong si Achab sa Samaria. At ipinagpatay siya ni Achab ng mga tupa at baka na sagana, at ang bayan na kasama niya; at inupahan siya na umahon na kasama niya sa Ramoth-galaad.
3. At sinabi ni Achab na hari sa Israel kay Josaphat na hari sa Juda, Sasama ka ba sa akin sa Ramoth-galaad? At sinagot niya siya, Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan; at kami ay sasaiyo sa pakikipagdigma.
4. At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Magusisa ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, sa salita ng Panginoon.
5. Nang magkagayo'y pinisan ng hari sa Israel ang mga propeta, na apat na raang lalake, at sinabi sa kanila, Magsisiparoon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi nila, Umahon ka; sapagka't ibibigay ng Dios sa kamay ng hari.
6. Nguni't sinabi ni Josaphat: Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon, upang tayo'y makapagusisa sa kaniya?
7. At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon: nguni't kinapopootan ko siya: sapagka't kailan man ay hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi laging kasamaan; si Micheas nga na anak ni Imla. At sinabi ni Josaphat, Huwag magsabi ng ganyan ang hari.
8. Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang pinuno, at kaniyang sinabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.
9. Ang hari nga ng Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nakaupo bawa't isa sa kanikaniyang luklukan na nakapanamit hari, at sila'y nakaupo sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nanganghula sa harap nila.
10. At si Sedechias na anak ni Chenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria, hanggang sa mangalipol.
11. At lahat na propeta ay nanganghulang gayon, na sinasabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.
12. At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya na sinasabi, Narito, ang mga salita ng mga propeta ay nagsaysay ng mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko nga sa iyo na ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.
13. At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Dios, yaon ang aking sasalitain.
14. At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, magsisiyaon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi niya, Magsiyaon kayo at magsiginhawa nawa; at sila'y mangabibigay sa inyong kamay.