1 Samuel 9:5-17 Ang Biblia (TLAB)

5. Nang sila'y dumating sa lupain ng Suph, ay sinabi ni Saul sa kaniyang bataan na kasama niya, Halina at bumalik tayo, baka walaing bahala ng aking ama ang mga asno at ang alalahanin ay tayo.

6. At sinabi niya sa kaniya, Narito, may isa ngang lalake ng Dios sa bayang ito, at siya'y isang lalaking may dangal; lahat ng kaniyang sinasabi ay tunay na nangyayari: ngayo'y pumaroon tayo; marahil ay masasaysay niya sa atin ang tungkol sa ating paglalakbay kung saan tayo paroroon.

7. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang bataan, Nguni't narito, kung tayo'y pumaroon, ano ang ating dadalhin sa lalake? sapagka't naubos na ang tinapay sa ating mga buslo, at wala na tayong madadalang kaloob sa lalake ng Dios: anong mayroon tayo?

8. At sumagot uli ang bataan kay Saul, at nagsabi, Narito, mayroon ako sa aking kamay na ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak: iyan ang aking ibibigay sa lalake ng Dios, upang saysayin sa atin ang ating paglalakbay.

9. (Nang una sa Israel, pagka ang isang lalake ay mag-uusisa sa Dios, ay ganito ang sinasabi, Halika, at tayo'y pumaroon sa tagakita: sapagka't yaon ngang tinatawag na Propeta ngayon ay tinatawag nang una na Tagakita.)

10. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang bataan, Mabuti ang sinasabi mo; halika, tayo'y pumaroon. Sa gayo'y naparoon sila sa bayang kinaroroonan ng lalake ng Dios.

11. Samantalang inaahon nila ang ahunan sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, Narito ba ang tagakita?

12. At sila'y sumagot sa kanila, at nagsabi, Siya'y nariyan, narito, nasa unahan mo: magmadali kayo ngayon, sapagka't siya'y naparoon ngayon sa bayan; sapagka't ang bayan ay may hain ngayon sa mataas na dako.

13. Pagkapasok ninyo sa bayan, ay agad masusumpungan ninyo siya, bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain; sapagka't ang bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagka't kaniyang binabasbasan ang hain; at pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga umahon kayo; sapagka't sa oras na ito'y inyong masusumpungan siya.

14. At sila'y umahon sa bayan; at pagpasok nila sa bayan, narito, si Samuel ay nasasalubong nila, na papaahon sa mataas na dako.

15. Inihayag nga ng Panginoon kay Samuel isang araw bago si Saul ay naparoon, na sinasabi,

16. Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalake na mula sa lupain ng Benjamin, at iyong papahiran siya ng langis upang maging pangulo sa aking bayang Israel; at kaniyang ililigtas ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo: sapagka't aking tiningnan ang aking bayan, dahil sa ang kanilang daing ay sumapit sa akin.

17. At nang makita ni Samuel si Saul, ay sinabi ng Panginoon sa kaniya, Narito ang lalake na aking sinalita sa iyo! ito nga ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan.

1 Samuel 9