15. At sinabi ni David kay Abner, Hindi ka ba matapang na lalake? at sinong gaya mo sa Israel? bakit nga hindi mo binantayan ang iyong panginoon na hari? sapagka't pumasok ang isa sa bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.
16. Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Buhay ang Panginoon, kayo'y marapat na mamatay, sapagka't hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinahiran ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan nandoon ang sibat ng hari, at ang banga ng tubig na nasa kaniyang ulunan.
17. At nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, Ito ba ang tinig mo, anak kong David? At sinabi ni David, Aking tinig nga, panginoon ko, Oh hari.
18. At kaniyang sinabi, Bakit hinahabol ng aking panginoon ang kaniyang lingkod? sapagka't anong aking ginawa? o anong kasamaan ang nasa aking kamay?
19. Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, na dinggin ng aking panginoon na hari ang mga salita ng kaniyang lingkod. Kung ang Panginoon ay siyang nagudyok sa iyo laban sa akin, ay tumanggap siya ng isang handog: nguni't kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon; sapagka't sila'y nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi ng mana sa Panginoon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, maglingkod ka sa ibang mga dios.
20. Ngayon nga'y huwag ibubo ang aking dugo sa lupa sa harap ng Panginoon; sapagka't lumabas ang hari sa Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol ng isang pugo sa mga bundok.
21. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul, Ako'y nagkasala: bumalik ka, anak kong David: sapagka't hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagka't ang aking buhay ay mahalaga sa iyong mga mata sa araw na ito: narito, ako'y nagpakamangmang, at ako'y nagkamali ng di kawasa.
22. At sumagot si David at nagsabi, Tingnan mo ang sibat, Oh hari! paparituhin mo ang isa sa mga bataan at kunin.
23. At gagantihin ng Panginoon ang bawa't tao sa kaniyang katuwiran at sa kaniyang pagtatapat: sapagka't ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko iniunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon.
24. At, narito, kung paanong ang iyong buhay ay mahalagang mainam sa aking paningin sa araw na ito, ay maging gayon nawang mahalagang mainam ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at iligtas niya nawa ako sa madlang kapighatian.
25. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay David, Pagpalain ka, anak kong David: ikaw ay gagawa na makapangyarihan, at tunay na ikaw ay mananaig. Sa gayo'y nagpatuloy si David ng kaniyang lakad, at si Saul ay bumalik sa kaniyang dako.