1 Samuel 20:3-16 Ang Biblia (TLAB)

3. At gayon ma'y si David ay sumumpa, at nagsabi, Talastas na maigi ng iyong ama, na ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at kaniyang sinasabi, Huwag maalaman ni Jonathan ito, baka siya'y magdalamhati; nguni't buhay nga ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, na iisang hakbang ang pagitan ko sa kamatayan.

4. Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, Anomang adhikain ng iyong kaluluwa ay aking gagawin dahil sa iyo.

5. At sinabi ni David kay Jonathan, Narito, bukas ay bagong buwan, at ako'y di marapat na di sumalo sa hari; nguni't bayaan mo akong yumaon upang ako'y magkubli sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.

6. Kung ako'y punahin ng iyong ama, iyo ngang sabihing, Hiniling na mainam sa akin ni David na siya'y patakbuhin sa Bethlehem na kaniyang bayan: sapagka't siyang paghahain na taonan sa lahat ng angkan.

7. Kung kaniyang sabihing ganito, Mabuti; ang iyong lingkod ay matitiwasay; nguni't kung siya'y magalit, talastasin mo nga na ang kasamaan ay ipinasiya niya.

8. Kaya pagmagandahang loob mo ang iyong lingkod; sapagka't iyong dinala ang iyong lingkod sa isang tipan ng Panginoon sa iyo; nguni't kung magtaglay ako ng kasamaan, patayin mo ako; sapagka't bakit mo pa dadalhin ako sa iyong ama?

9. At sinabi ni Jonathan, Malayo nawa sa iyo: sapagka't kung matalastas ko sa anomang paraan na ang kasamaan ay ipinasiya ng ama kong sumapit sa iyo, hindi ko ba sasaysayin sa iyo?

10. Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, Sino ang magsasaysay sa akin, kung sakaling ang iyong ama ay sumagot sa iyo na may kagalitan?

11. At sinabi ni Jonathan kay David, Halika at tayo'y lumabas sa parang. At sila'y kapuwa lumabas sa parang.

12. At sinabi ni Jonathan kay David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, maging saksi; pagka aking natarok ang aking ama sa oras na ito sa kinabukasan o sa ikatlong araw, narito, kung maging mabuti kay David, hindi ko nga ba pasasapitin sa iyo, at ipababatid sa iyo?

13. Kung mabutihin ng aking ama na gawan ka ng kasamaan, ay hatulan ng Panginoon si Jonathan, malibang ipabatid ko sa iyo at payaunin ka, upang ikaw ay yumaong payapa: at ang Panginoon ay sumaiyo nawa na gaya ng siya'y nasa aking ama.

14. At huwag mangyari kailanman hanggang ako'y nabubuhay, na di mo ako pagpakitaan ng kagandahang loob ng Panginoon upang ako'y huwag mamatay:

15. Subali't huwag mo ring ihihiwalay ang iyong kagandahang loob sa aking sangbahayan magpakailan man: huwag kahit man lipulin ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.

16. Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sangbahayan ni David, na sinabi, At hihingin ng Panginoon sa kamay ng mga kaaway ni David.

1 Samuel 20