1 Samuel 20:25-37 Ang Biblia (TLAB)

25. At umupo ang hari sa kaniyang upuan na gaya ng kinaugalian niya sa makatuwid baga'y sa upuang nasa siping ng dinding; at tumayo si Jonathan, at umupo si Abner sa siping ni Saul; nguni't sa upuan ni David ay walang nakaupo.

26. Gayon ma'y hindi nagsalita si Saul ng anoman sa araw na yaon: sapagka't kaniyang inisip: May bagay na nangyari sa kaniya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.

27. At nangyari nang kinabukasan, pagkaraan ng bagong buwan na ikalawang araw, na sa upuan ni David ay walang nakaupo, sinabi ni Saul kay Jonathan na kaniyang anak, Bakit hindi naparirito ang anak ni Isai upang kumain, ni kahapon, ni ngayon man.

28. At sumagot si Jonathan kay Saul, Namanhik si David na bayaan ko siya na pumaroon sa Bethlehem:

29. At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako; sapagka't ang aming angkan ay may paghahain sa bayan; at iniutos sa akin ng aking kapatid na dumoon; at ngayon, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay bayaan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at aking tingnan ang aking mga kapatid. Kaya hindi siya naparito sa dulang ng hari.

30. Nang magkagayo'y nagalab ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay anak ng masama at mapanghimagsik na babae, hindi ko ba nalalaman na iyong pinili ang anak ni Isai sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?

31. Sapagka't habang nabubuhay ang anak ni Isai sa ibabaw ng lupa, ikaw ay hindi mapapanatag ni ang iyong kaharian man. Kaya ngayo'y iyong ipasundo at dalhin siya sa akin, sapagka't siya'y walang pagsalang mamamatay.

32. At sumagot si Jonathan kay Saul na kaniyang ama; at nagsabi sa kaniya, Bakit siya papatayin? anong kaniyang ginawa?

33. At inihandulong ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniya upang saktan siya; na doon nakilala ni Jonathan na pasiya ng kaniyang ama na patayin si David.

34. Sa gayo'y tumindig si Jonathan sa dulang na may mabangis na galit, at hindi kumain sa ikalawang araw ng buwan: sapagka't siya'y nagdalamhati dahil kay David, sapagka't hiniya siya ng kaniyang ama.

35. At nangyari sa kinaumagahan, na si David ay nilabas ni Jonathan sa parang sa takdang panahon, at isang munting bata ang kasama niya.

36. At sinabi niya sa kaniyang bataan, Takbo, hanapin mo ngayon ang mga palaso na aking ipinana. At pagtakbo ng bataan, kaniyang ipinana ang palaso sa dako roon niya.

37. At nang dumating ang bataan sa dako ng palaso na ipinana ni Jonathan, sinigawan ni Jonathan ang bataan, at sinabi, Hindi ba ang palaso ay nasa dako mo pa roon?

1 Samuel 20