10. Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, Sino ang magsasaysay sa akin, kung sakaling ang iyong ama ay sumagot sa iyo na may kagalitan?
11. At sinabi ni Jonathan kay David, Halika at tayo'y lumabas sa parang. At sila'y kapuwa lumabas sa parang.
12. At sinabi ni Jonathan kay David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, maging saksi; pagka aking natarok ang aking ama sa oras na ito sa kinabukasan o sa ikatlong araw, narito, kung maging mabuti kay David, hindi ko nga ba pasasapitin sa iyo, at ipababatid sa iyo?
13. Kung mabutihin ng aking ama na gawan ka ng kasamaan, ay hatulan ng Panginoon si Jonathan, malibang ipabatid ko sa iyo at payaunin ka, upang ikaw ay yumaong payapa: at ang Panginoon ay sumaiyo nawa na gaya ng siya'y nasa aking ama.
14. At huwag mangyari kailanman hanggang ako'y nabubuhay, na di mo ako pagpakitaan ng kagandahang loob ng Panginoon upang ako'y huwag mamatay:
15. Subali't huwag mo ring ihihiwalay ang iyong kagandahang loob sa aking sangbahayan magpakailan man: huwag kahit man lipulin ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.
16. Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sangbahayan ni David, na sinabi, At hihingin ng Panginoon sa kamay ng mga kaaway ni David.
17. At pinasumpa uli ni Jonathan si David dahil sa pagibig niya sa kaniya: sapagka't kaniyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sariling kaluluwa.
18. Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan sa kaniya, Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay pupunahin, sapagka't sa iyong upuan ay walang nakaupo.
19. At pagtatagal mo ng tatlong araw ay bababa kang madali at paroroon ka sa dakong iyong pinagtaguan ng araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng bato ng Ezel.
20. At ako'y papana ng tatlong palaso sa dako niyaon na parang ako'y may pinatatamaan.
21. At, narito, aking susuguin ang bata: Ikaw ay yumaon na hanapin mo ang mga palaso. Kung aking sabihin sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangarito sa dako mo rito: pagkunin mo, at parito ka; sapagka't may kapayapaan sa iyo at walang anoman, buhay ang Panginoon.
22. Nguni't kung aking sabihing ganito sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangasa dako mo pa roon: ituloy mo ang iyong lakad, sapagka't pinayaon ka ng Panginoon.
23. At tungkol sa usap na ating pinagsalitaan, narito, ang Panginoon ay nasa gitna natin magpakailan man.
24. Sa gayo'y nagkubli si David sa parang: at nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupong kumain.
25. At umupo ang hari sa kaniyang upuan na gaya ng kinaugalian niya sa makatuwid baga'y sa upuang nasa siping ng dinding; at tumayo si Jonathan, at umupo si Abner sa siping ni Saul; nguni't sa upuan ni David ay walang nakaupo.
26. Gayon ma'y hindi nagsalita si Saul ng anoman sa araw na yaon: sapagka't kaniyang inisip: May bagay na nangyari sa kaniya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.
27. At nangyari nang kinabukasan, pagkaraan ng bagong buwan na ikalawang araw, na sa upuan ni David ay walang nakaupo, sinabi ni Saul kay Jonathan na kaniyang anak, Bakit hindi naparirito ang anak ni Isai upang kumain, ni kahapon, ni ngayon man.