6. At dininig ni Saul ang tinig ni Jonathan; at sumumpa si Saul: Buhay ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.
7. At tinawag ni Jonathan si David, at isinaysay ni Jonathan sa kaniya ang lahat ng mga bagay na yaon. At dinala ni Jonathan si David kay Saul, at siya'y lumagay sa kaniyang harap, na gaya ng dati.
8. At nagkaroong muli ng digma: at lumabas si David, at nakipaglaban sa mga Filisteo, at pumatay sa kanila ng malaking pagpatay; at sila'y tumakas sa harap niya.
9. At isang espiritung masama na mula sa Panginoon ay suma kay Saul, nang siya'y nakaupo sa kaniyang bahay na tangan niya ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay; at tumugtog si David sa pamamagitan ng kaniyang kamay.
10. At pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dinding; nguni't siya'y nakatakas sa harap ni Saul at ang kaniyang tinuhog ng sibat ay ang dinding: at tumakas si David at tumanan ng gabing yaon.
11. At nagsugo si Saul ng mga sugo sa bahay ni David, upang siya'y bantayan, at siya'y patayin sa kinaumagahan: at sinaysay sa kaniya ni Michal na asawa ni David, na sinasabi, Kundi mo iligtas ang iyong buhay ngayong gabi bukas ay papatayin ka.
12. Kaya inihugos ni Michal si David sa isang dungawan, at siya'y yumaon, at tumakas, at tumanan.
13. At kinuha ni Michal ang mga terap, at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan ng mga kumot.
14. At nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kaniyang sinabi, Siya'y may sakit.
15. At nagsugo si Saul ng mga sugo upang tingnan si David, na sinasabi, Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kaniyang higaan, upang aking patayin siya.
16. At nang pumasok ang mga sugo, narito, ang mga terap at nasa higaan, pati ng unang buhok ng kambing sa ulunan niyaon.
17. At sinabi ni Saul kay Michal, Bakit mo ako dinaya ng ganiyan, at iyong pinaalis ang aking kaaway, na anopa't siya'y nakatanan? At sumagot si Michal kay Saul, Kaniyang sinabi sa akin: Bayaan mo akong yumaon: bakit kita papatayin?