1 Samuel 18:7-24 Ang Biblia (TLAB)

7. At nagaawitan ang mga babae sa kanilang pagtugtog, at sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksa-laksa.

8. At nagalit na mainam si Saul at ang sabing ito ay isinama niya ng loob; at kaniyang sinabi, Kanilang inilagay kay David ay laksalaksa, at sa akin ay kanilang inilagay ang libolibo lamang: at ano na lamang ang kaniyang tatangkilikin kundi ang kaharian?

9. At inirapan ni Saul si David mula sa araw na yaon.

10. At nangyari nang kinabukasan, na ang masamang espiritu na mula sa Dios ay dumating na makapangyarihan kay Saul, at siya'y nanghula sa gitna ng bahay: at si David ay tumugtog ng kaniyang kamay, gaya ng kaniyang ginagawa araw-araw; at hawak ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay.

11. At inihagis ni Saul ang sibat; sapagka't kaniyang sinabi, Aking tutuhugin si David sa dinding. At tumanan si David sa kaniyang harap na makalawa.

12. At natakot si Saul kay David, sapagka't ang Panginoon ay sumasakaniya, at nahiwalay na kay Saul.

13. Kaya't inihiwalay ni Saul siya sa kaniya, at siya'y ginawa niyang punong kawal sa isang libo; at siya'y naglalabas pumasok sa harap ng bayan.

14. Nagpakabait si David sa lahat ng kaniyang kilos; at ang Panginoon ay sumasakaniya.

15. At nang makita ni Saul na siya'y nagpakabait, siya'y natakot sa kaniya.

16. Nguni't minamahal ng buong Israel at Juda si David; sapagka't siya'y naglalabas pumasok sa harap nila.

17. At sinabi ni Saul kay David, Narito ang aking lalong matandang anak na babae na si Merab; siya'y aking ibibigay sa iyo na asawa: magpakatapang ka lamang dahil sa akin, at iyong ilaban ang mga pagbabaka ng Panginoon. Sapagka't sinabi ni Saul, Huwag pagbuhatan siya ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo, ang magbuhat sa kaniya.

18. At sinabi ni David kay Saul, Sino ako at ano ang aking buhay, o ang sangbahayan ng aking ama sa Israel, upang maging manugang ako ng hari?

19. Nguni't nangyari na sa panahong ibibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, ay ibinigay na asawa kay Adriel na Meholatita.

20. At sinisinta ni Michal na anak na babae ni Saul si David: at kanilang isinaysay kay Saul, at ang bagay ay ikinalugod niya.

21. At sinabi ni Saul, Aking ibibigay sa kaniya siya, upang siya'y maging silo sa kaniya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kaniya. Kaya't sinabing ikalawa ni Saul kay David: Ikaw ay magiging aking manugang sa araw na ito.

22. At iniutos ni Saul sa kaniyang mga lingkod, na sinasabi, Makipagusap kayo kay David ng lihim, at inyong sabihin, Narito, kinatutuwaan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kaniyang mga lingkod: ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.

23. At sinalita ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang yaon sa pakinig ni David. At sinabi ni David, Inaakala ba ninyo na magaang bagay ang maging manugang ng hari, dangang ako'y isang dukhang tao at niwawalang kabuluhan?

24. At isinaysay ng mga lingkod ni Saul sa kaniya, na sinabi, Ganitong paraan nagsalita si David.

1 Samuel 18