1 Samuel 17:46-57 Ang Biblia (TLAB)

46. Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay; at sasaktan kita, at pupugutin ko ang ulo mo; at ibibigay ko ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito, at sa mababangis na hayop sa lupa; upang maalaman ng buong lupa na may Dios sa Israel:

47. At upang maalaman ng buong kapisanang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat: sapagka't ang pagbabakang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.

48. At nangyari, nang bumangon ang Filisteo, at sumulong at lumapit upang salubungin si David, na si David ay nagmadali, at tumakbo sa dako ng kawal upang salubungin ang Filisteo.

49. At isinuot ni David ang kaniyang kamay sa kaniyang supot; at kumuha roon ng isang bato, at inihilagpos, at tinamaan ang Filisteo sa kaniyang noo; at ang bato ay bumaon sa kaniyang noo, at nabuwal na pasubsob sa lupa.

50. Sa gayo'y nanaig si David sa Filisteo sa pamamagitan ng isang panghilagpos at ng isang bato, at sinaktan ang Filisteo at pinatay niya siya; nguni't walang tabak sa kamay ni David.

51. Nang magkagayo'y tumakbo si David, at tinunghan ang Filisteo, at kinuha ang kaniyang tabak, at binunot sa kaniyang kaluban, at pinatay siya, at ipinagpugot ng kaniyang ulo. At nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang bayani ay patay na, sila'y tumakas.

52. At nagsibangon ang mga lalake ng Israel at ng Juda, at humiyaw at hinabol ang mga Filisteo hanggang sa Gath, at sa mga pintuang-bayan ng Ecron. At ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saraim, hanggang sa Gath, at sa Ecron.

53. At nagsibalik ang mga anak ni Israel sa paghabol sa mga Filisteo, at kanilang sinamsam ang kanilang kampamento.

54. At kinuha ni David ang ulo ng Filisteo, at dinala sa Jerusalem; nguni't kaniyang inilagay ang sandata niya sa kaniyang tolda.

55. At nang makita ni Saul si David na lumalabas laban sa Filisteo, kaniyang sinabi kay Abner, na kapitan ng hukbo, Abner, kaninong anak ang batang ito? At sinabi ni Abner, Buhay ang iyong kaluluwa, Oh hari, hindi ko masabi.

56. At sinabi ng hari, Usisain mo kung kaninong anak ang batang ito.

57. At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kaniyang kamay.

1 Samuel 17