1 Samuel 17:37-46 Ang Biblia (TLAB)

37. At sinabi ni David, Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga pangamot ng leon, at sa pangamot ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito. At sinabi ni Saul kay David, Yumaon ka, at ang Panginoon ay sasa iyo.

38. At sinandatahan ni Saul si David ng kaniyang mga sandata, at kaniyang inilagay ang isang turbanteng tanso sa kaniyang ulo, at kaniyang sinuutan siya ng isang baluti sa katawan.

39. At ibinigkis ni David, ang tabak niya sa kaniyang sandata, at kaniyang tinikmang yumaon; sapagka't hindi pa niya natitikman. At sinabi ni David kay Saul, Hindi ako makayayaon na dala ko ang mga ito; sapagka't hindi ko pa natitikman. At pawang hinubad ni David sa kaniya.

40. At tinangnan niya ang kaniyang tungkod sa kaniyang kamay, at pumili siya ng limang makinis na bato mula sa batis, at isinilid sa supot na kaniyang dala, sa makatuwid baga'y sa kaniyang supot pastor; at ang kaniyang panghilagpos ay nasa kaniyang kamay: at siya'y lumapit sa Filisteo.

41. At nagpatuloy ang Filisteo at lumapit kay David; at ang lalake na may dala ng kalasag ay nangunguna sa kaniya.

42. At nang tumingin ang Filisteo, at makita si David, ay kaniyang niwalan ng kabuluhan siya; sapagka't siya'y bata pa, at mapula ang pisngi, at may magandang bikas.

43. At sinabi ng Filisteo kay David, Ako ba ay aso, na ikaw ay paririto sa akin na may mga tungkod? At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga dios.

44. At sinabi ng Filisteo kay David, Halika, at aking ibibigay ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.

45. Nang magkagayo'y sinabi ni David sa Filisteo, Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak, at may malaking sibat at may kalasag; nguni't ako'y naparirito laban sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng mga kawal ng Israel na iyong hinahamon.

46. Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay; at sasaktan kita, at pupugutin ko ang ulo mo; at ibibigay ko ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito, at sa mababangis na hayop sa lupa; upang maalaman ng buong lupa na may Dios sa Israel:

1 Samuel 17