20. At si David ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at iniwan ang tupa na may isang tagapagalaga, at nagdala at yumaon, na gaya ng iniutos sa kaniya ni Isai; at siya'y naparoon sa kinaroroonan ng mga karo, habang ang hukbo na lumalabas sa pakikipaglaban ay sumisigaw ng pakikipagbaka.
21. At ang Israel at ang mga Filisteo ay nakahanay na sa pagbabaka, hukbo laban sa hukbo.
22. At iniwan ni David ang kaniyang daladalahan sa kamay ng tagapagingat ng daladalahan, at tumakbo sa hukbo, at naparoon, at bumati sa kaniyang mga kapatid.
23. At sa kaniyang pakikipagusap sa kanila, narito, dumating ang bayani, ang Filisteo na taga Gath, na Goliath ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at nagsalita ng ayon sa mga gayon ding salita: at narinig ni David.
24. At lahat ng mga lalake sa Israel pagkakita sa lalaking yaon ay tumakas mula sa kaniyang harapan, at natakot na mainam.
25. At ang mga lalake ng Israel ay nagsabi, Nakita ba ninyo ang lalaking iyan na sumasampa? Tunay na sumasampa siya upang manghamon sa Israel: at mangyayari, na ang lalaking makapatay sa kaniya, ay payayamanin ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kaniya ang kaniyang anak na babae, at palalayain sa Israel ang sangbahayan ng kaniyang ama.