1 Samuel 17:1-14 Ang Biblia (TLAB)

1. Ngayo'y pinisan ng mga Filisteo ang kanilang hukbo upang bumaka at sila'y nagpipisan sa Socho, na nauukol sa Juda, at nagsihantong sa pagitan ng Socho at ng Azeca, sa Ephesdammim.

2. At nagpipisan si Saul at ang mga lalake ng Israel, at nagsihantong sa libis ng Ela, at nagsihanay sa pakikipagbaka laban sa mga Filisteo.

3. At nagsitayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo ang Israel sa kabilang dako sa bundok: at may isang libis sa pagitan nila.

4. At lumabas ang isang bayani sa kampamento ng mga Filisteo na nagngangalang Goliath, taga Gath, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.

5. At siya'y mayroong isang turbanteng tanso, sa kaniyang ulo, at siya'y nasusuutan ng isang baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.

6. At siya'y mayroong kasuutang tanso sa kaniyang mga hita, at isang sibat na tanso sa pagitan ng kaniyang mga balikat.

7. At ang puluhan ng kaniyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kaniyang sibat ay may anim na raang siklong bakal ang bigat: at ang kaniyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kaniya.

8. At siya'y tumayo at humiyaw sa mga hukbo ng Israel, at nagsabi sa kanila, Bakit kayo'y lumabas na nagsihanay sa pakikipagbaka? hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? pumili kayo ng isang lalake sa inyo, at pababain ninyo siya sa akin.

9. Kung siya'y makalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin nga ninyo kami; nguni't kung ako'y manaig laban sa kaniya, at mapatay ko siya ay magiging alipin nga namin kayo at maglilingkod sa amin.

10. At sinabi ng Filisteo, Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; bigyan ninyo ako ng isang lalake, upang maglaban kami.

11. At nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang yaon ng Filisteo, sila'y nanglupaypay, at natakot na mainam.

12. Si David nga ay anak niyaong Ephrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Isai; at may walong anak: at ang lalaking yaon ay matanda na sa mga kaarawan ni Saul na totoong napakatanda sa gitna ng mga tao.

13. At ang tatlong pinakamatandang anak ni Isai ay naparoong sumunod kay Saul sa pakikipagbaka: at ang mga pangalan ng kaniyang tatlong anak na naparoon sa pakikipagbaka ay si Eliab na panganay, at ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Samma.

14. At si David ang bunso: at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.

1 Samuel 17