33. Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito.
34. At sinabi ni Saul, Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, Dalhin sa akin dito ng bawa't tao ang kaniyang baka, at ng bawa't tao ang kaniyang tupa, at patayin dito, at kanin; at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pagkain ng dugo. At dinala ng buong bayan, bawa't tao ang kaniyang baka nang gabing yaon at pinatay roon.
35. At nagtayo si Saul ng isang dambana sa Panginoon: yaon ang unang dambana na itinayo niya sa Panginoon.
36. At sinabi ni Saul, Ating lusungin na sundan ang mga Filisteo sa kinagabihan, at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong maglabi ng isang tao sa kanila. At kanilang sinabi, Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo. Nang magkagayo'y sinabi ng saserdote, Tayo'y lumapit dito sa Dios.
37. At si Saul ay humingi ng payo sa Dios: Lulusungin ko ba na susundan ang mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel? Nguni't hindi siya sinagot nang araw na yaon.
38. At sinabi ni Saul, Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng bayan: at maalaman at makita kung saan nanggaling ang kasalanang ito sa araw na ito.
39. Sapagka't buhay nga ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, na kahit si Jonathan na aking anak, ay walang pagsalang mamatay. Nguni't walang tao sa buong bayan na sumagot sa kaniya.
40. Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako. At sinabi ng bayan kay Saul, Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.
41. Kaya sinabi ni Saul sa Panginoon, sa Dios ng Israel, Ituro mo ang matuwid. At si Jonathan at si Saul ay napili: nguni't ang bayan ay nakatanan.
42. At sinabi ni Saul, Pagsapalaran ninyo ako at si Jonathan na aking anak: at si Jonatan ay napili.
43. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay Jonathan, Saysayin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa. At isinaysay ni Jonathan sa kaniya, at sinabi, Tunay na ako'y lumasa ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay: at, narito, ako'y marapat mamatay.
44. At sinabi ni Saul, Gawing gayon ng Dios at lalo na: sapagka't ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Jonathan.
45. At sinabi ng bayan kay Saul, Mamamatay ba si Jonathan, na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Malayo nawa: buhay ang Panginoon, hindi malalaglag ang isang buhok ng kaniyang ulo sa lupa; sapagka't siya'y gumawa na kasama ng Dios sa araw na ito. Sa gayo'y iniligtas ng bayan si Jonathan, na anopa't siya'y hindi namatay.
46. Nang magkagayo'y umahon si Saul na mula sa pagsunod sa mga Filisteo: at ang mga Filisteo ay naparoon sa kanilang sariling dako.
47. Nang masakop nga ni Saul ang kaharian sa Israel, ay bumaka siya laban sa lahat niyang mga kaaway sa bawa't dako, laban sa Moab, at laban sa mga anak ni Ammon, at laban sa Edom, at laban sa mga hari sa Soba, at laban sa mga Filisteo: at saan man siya pumihit ay kaniyang binabagabag sila.
48. At kaniyang ginawang may katapangan, at sinaktan ang mga Amalecita, at iniligtas ang Israel sa mga kamay ng mga sumamsam sa kanila.
49. Ang mga anak nga ni Saul ay si Jonathan, at si Isui, at si Melchi-sua: at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak na babae ay ito; ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng bata ay Michal:
50. At ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Aimaas: at ang pangalan ng kaniyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul.
51. At si Cis ay ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel.
52. At nagkaroon ng mahigpit na pagbabaka laban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul: at sa tuwing nakakakita si Saul ng sinomang makapangyarihang lalake, o ng sinomang matapang na lalake ay kaniyang ipinagsasama.