16. At ang mga bantay ni Saul sa Gabaa ng Benjamin ay tumanaw; at, narito, ang karamihan ay nawawala at sila'y nagparoo't parito.
17. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa bayan na kasama niya, Magbilang kayo ngayon at inyong tingnan kung sino ang umalis sa atin. At nang sila'y magbilang, narito, si Jonathan at ang kaniyang tagadala ng sandata ay wala roon.
18. At sinabi ni Saul kay Achias, Dalhin ninyo rito ang kaban ng Dios. Sapagka't ang kaban ng Dios ay nandoon nang panahong yaon sa mga anak ni Israel.
19. At nangyari, samantalang nagsasalita si Saul sa saserdote, na ang kaingay na nasa kampamento ng mga Filisteo ay lumala ng lumala: at sinabi ni Saul sa saserdote, Iurong mo ang iyong kamay.
20. At nagpipisan si Saul at ang buong bayan na nasa kaniya at naparoon sa pakikibaka: at, narito, ang tabak ng bawa't isa ay laban sa kaniyang kasama, at nagkaroon ng malaking pagkalito.
21. Ang mga Hebreo nga na napasa mga Filisteo nang una, na umahong kasama nila sa kampamento mula sa palibot ng lupain, ay nagsibalik pa rin na nakipisan sa mga Israelita na kasama ni Saul at ni Jonathan.
22. Gayon din ang mga lalake sa Israel na nagsikubli sa lupaing maburol ng Ephraim, na nang kanilang mabalitaan na ang mga Filisteo ay tumakas, ay nakihabol pati sila sa kanila sa pakikipagbaka.
23. Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na yaon: at ang pagbabaka ay napalipat sa Beth-aven.
24. At ang mga lalake sa Israel ay namanglaw nang araw na yaon: sapagka't ibinilin ni Saul sa bayan, na sinasabi, Sumpain ang lalake na kumain ng anomang pagkain hanggang sa kinahapunan, at ako'y nakaganti sa aking mga kaaway. Sa gayo'y wala sinoman sa bayan na lumasap ng pagkain.
25. At ang buong bayan ay naparoon sa gubat; at may pulot sa ibabaw ng lupa.
26. At nang dumating ang bayan sa gubat, narito, ang pulot ay tumutulo nguni't walang tao na naglagay ng kaniyang kamay sa kaniyang bibig; sapagka't ang bayan ay natakot sa sumpa.
27. Nguni't hindi narinig ni Jonathan, nang ibilin ng kaniyang ama sa bayan na may sumpa: kaya't kaniyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kaniyang kamay at isinagi sa pulot, at inilagay ang kaniyang kamay sa kaniyang bibig, at ang kaniyang mga mata ay lumiwanag.
28. Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa bayan, at nagsabi, Ibiniling mahigpit ng iyong ama sa bayan na may sumpa, na sinasabi, Sumpain ang tao na kumain ng pagkain sa araw na ito. At ang bayan ay pata.
29. Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, Binagabag ng aking ama ang lupain: tingnan ninyo, isinasamo ko sa inyo, kung paanong ang aking mga mata ay lumiwanag, sapagka't ako'y lumasa ng kaunti sa pulot na ito.
30. Gaano pa kaya kung ang bayan ay kumaing may kalayaan ngayon sa samsam sa kanilang mga kaaway na kanilang nasumpungan? sapagka't hindi nagkaroon ng malaking patayan ngayon sa gitna ng mga Filisteo.
31. At kanilang sinaktan ang mga Filisteo nang araw na yaon mula sa Michmas hanggang sa Ajalon: at ang bayan ay totoong pata.
32. At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo.