1 Samuel 14:12-27 Ang Biblia (TLAB)

12. At sumagot ang mga lalake sa pulutong kay Jonathan at sa kaniyang tagadala ng sandata, at sinabi, Ahunin ninyo kami, at pagpapakitaan namin kayo ng isang bagay. At sinabi ni Jonathan sa kaniyang tagadala ng sandata, Umahon ka na kasunod ko: sapagka't ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.

13. At gumapang si Jonathan ng kaniyang mga kamay at ng kaniyang mga paa, at ang kaniyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. At sila'y nangabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga yao'y pinagpapatay ng kaniyang tagadala ng sandata na kasunod niya.

14. At yaon ang unang pagpatay na ginawa ni Jonathan at ng kaniyang tagadala ng sandata, sa may dalawang pung lalake, sa may pagitan ng kalahating akre ng lupa.

15. At nagkaroon ng panginginig sa kampamento, sa parang, at sa buong bayan: ang pulutong at ang mga mananamsam ay nagsipanginig din; lumindol; sa gayo'y nagkaroon ng totoong malaking pagkayanig.

16. At ang mga bantay ni Saul sa Gabaa ng Benjamin ay tumanaw; at, narito, ang karamihan ay nawawala at sila'y nagparoo't parito.

17. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa bayan na kasama niya, Magbilang kayo ngayon at inyong tingnan kung sino ang umalis sa atin. At nang sila'y magbilang, narito, si Jonathan at ang kaniyang tagadala ng sandata ay wala roon.

18. At sinabi ni Saul kay Achias, Dalhin ninyo rito ang kaban ng Dios. Sapagka't ang kaban ng Dios ay nandoon nang panahong yaon sa mga anak ni Israel.

19. At nangyari, samantalang nagsasalita si Saul sa saserdote, na ang kaingay na nasa kampamento ng mga Filisteo ay lumala ng lumala: at sinabi ni Saul sa saserdote, Iurong mo ang iyong kamay.

20. At nagpipisan si Saul at ang buong bayan na nasa kaniya at naparoon sa pakikibaka: at, narito, ang tabak ng bawa't isa ay laban sa kaniyang kasama, at nagkaroon ng malaking pagkalito.

21. Ang mga Hebreo nga na napasa mga Filisteo nang una, na umahong kasama nila sa kampamento mula sa palibot ng lupain, ay nagsibalik pa rin na nakipisan sa mga Israelita na kasama ni Saul at ni Jonathan.

22. Gayon din ang mga lalake sa Israel na nagsikubli sa lupaing maburol ng Ephraim, na nang kanilang mabalitaan na ang mga Filisteo ay tumakas, ay nakihabol pati sila sa kanila sa pakikipagbaka.

23. Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na yaon: at ang pagbabaka ay napalipat sa Beth-aven.

24. At ang mga lalake sa Israel ay namanglaw nang araw na yaon: sapagka't ibinilin ni Saul sa bayan, na sinasabi, Sumpain ang lalake na kumain ng anomang pagkain hanggang sa kinahapunan, at ako'y nakaganti sa aking mga kaaway. Sa gayo'y wala sinoman sa bayan na lumasap ng pagkain.

25. At ang buong bayan ay naparoon sa gubat; at may pulot sa ibabaw ng lupa.

26. At nang dumating ang bayan sa gubat, narito, ang pulot ay tumutulo nguni't walang tao na naglagay ng kaniyang kamay sa kaniyang bibig; sapagka't ang bayan ay natakot sa sumpa.

27. Nguni't hindi narinig ni Jonathan, nang ibilin ng kaniyang ama sa bayan na may sumpa: kaya't kaniyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kaniyang kamay at isinagi sa pulot, at inilagay ang kaniyang kamay sa kaniyang bibig, at ang kaniyang mga mata ay lumiwanag.

1 Samuel 14