1 Samuel 1:12-27 Ang Biblia (TLAB)

12. At nangyari, habang siya'y nananatili ng pananalangin sa harap ng Panginoon, ay pinagmamasdan ni Eli ang kaniyang bibig.

13. Si Ana nga'y nagsasalita sa kaniyang puso; ang kaniya lamang mga labi ang gumagalaw, nguni't ang kaniyang tinig ay hindi naririnig: kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.

14. At sinabi ni Eli sa kaniya, Hanggang kailan magiging lasing ka? ihiwalay mo ang iyong alak sa iyo.

15. At sumagot si Ana, at nagsabi, Hindi, panginoon ko, ako'y isang babae na may diwang mapanglaw: hindi ako nakainom ng alak o inuming nakalalasing, kundi aking inihayag ang aking kaluluwa sa harap ng Panginoon.

16. Huwag mong ibilang na babaing hamak ang iyong lingkod: sapagka't sa kasaganaan ng aking daing at ng aking pagkaduwahagi ay nagsalita ako hanggang ngayon.

17. Nang magkagayo'y sumagot si Eli, at nagsabi, Yumaon kang payapa: at ipagkaloob nawa sa iyo ng Dios ng Israel ang iyong hiling na hinihingi mo sa kaniya.

18. At sinabi niya, Makasumpong nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin. Sa gayo'y nagpatuloy ng kaniyang lakad ang babae at kumain, at ang kaniyang mukha'y hindi na malumbay.

19. At sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at sumamba sa Panginoon, at bumalik, at umuwi sa kanilang bahay sa Ramatha; at nakilala ni Elcana si Ana na kaniyang asawa; at inalaala siya ng Panginoon.

20. At nangyari, nang sumapit ang panahon, na si Ana ay naglihi, at nanganak ng isang lalake; at tinawag ang pangalan niya na Samuel, na sinasabi, Sapagka't aking hiningi siya sa Panginoon.

21. At ang lalaking si Elcana, at ang buong sangbahayan niya, ay nagsiahon upang maghandog sa Panginoon ng hain sa taon-taon, at ganapin ang kaniyang panata.

22. Nguni't si Ana ay hindi umahon; sapagka't sinabi niya sa kaniyang asawa, Hindi ako aahon hanggang sa ang bata'y mahiwalay sa suso; at kung magkagayo'y aking dadalhin siya, upang siya'y pakita sa harap ng Panginoon, at tumahan doon magpakailan man.

23. At sinabi ni Elcana na kaniyang asawa sa kaniya, Gawin mo ang inaakala mong mabuti; maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa suso; pagtibayin lamang ng Panginoon ang kaniyang salita. Sa gayo'y naghintay ang babae, at pinasuso ang kaniyang anak, hanggang sa naihiwalay niya sa suso.

24. At nang kaniyang maihiwalay na sa suso, ay kaniyang iniahon, na may dala siyang tatlong guyang lalake, at isang epang harina, at isang sisidlang balat ng alak, at dinala niya siya sa bahay ng Panginoon sa Silo: at ang anak ay sanggol.

25. At kanilang pinatay ang guyang lalake, at dinala ang bata kay Eli.

26. At sinabi niya, Oh panginoon ko, alangalang sa buhay ng iyong kaluluwa, panginoon ko, ako ang babaing tumayo sa siping mo rito, na nanalangin sa Panginoon.

27. Dahil sa batang ito ako nanalangin; at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking hiling na aking hiningi sa kaniya:

1 Samuel 1