18. Ano nga kaya ang aking ganting-pala? Na pagka ipinangangaral ko ang evangelio, ay ang evangelio ay maging walang bayad, upang huwag kong gamiting lubos ang aking karapatan sa evangelio.
19. Sapagka't bagaman ako ay malaya sa lahat ng mga tao, ay napaalipin ako sa lahat, upang ako'y makahikayat ng lalong marami.
20. At sa mga Judio, ako'y nagaring tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan upang mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan;
21. Sa mga walang kautusan, ay tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako walang kautusan sa Dios, kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan.
22. Sa mga mahihina ako'y nagaring mahina, upang mahikayat ko ang mahihina: sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan.
23. At ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa evangelio, upang ako'y makasamang makabahagi nito.
24. Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni't iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? Magsitakbo kayo ng gayon; upang magsipagtamo kayo.
25. At ang bawa't tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni't tayo'y niyaong walang pagkasira.
26. Ako nga'y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako'y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin:
27. Nguni't hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakuwil.