1 Mga Taga-Corinto 9:14-22 Ang Biblia (TLAB)

14. Gayon din naman ipinagutos ng Panginoon na ang mga nagsisipangaral ng evangelio ay dapat mangabuhay sa pamamagitan ng evangelio.

15. Nguni't ako'y hindi gumamit ng anoman sa mga bagay na ito: at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gawin ang gayon sa akin; sapagka't mabuti pa sa akin ang mamatay, kay sa pawalang kabuluhan ninoman ang aking karangalan.

16. Sapagka't kung ipinangangaral ko ang evangelio, ay wala akong sukat ipagmapuri; sapagka't ang pangangailangan ay iniatang sa akin; sapagka't sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang evangelio.

17. Sapagka't kung ito'y gawin ko sa aking sariling kalooban, ay may ganting-pala ako: nguni't kung hindi sa aking sariling kalooban, ay mayroon akong isang pamamahala na ipinagkatiwala sa akin.

18. Ano nga kaya ang aking ganting-pala? Na pagka ipinangangaral ko ang evangelio, ay ang evangelio ay maging walang bayad, upang huwag kong gamiting lubos ang aking karapatan sa evangelio.

19. Sapagka't bagaman ako ay malaya sa lahat ng mga tao, ay napaalipin ako sa lahat, upang ako'y makahikayat ng lalong marami.

20. At sa mga Judio, ako'y nagaring tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan upang mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan;

21. Sa mga walang kautusan, ay tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako walang kautusan sa Dios, kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan.

22. Sa mga mahihina ako'y nagaring mahina, upang mahikayat ko ang mahihina: sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan.

1 Mga Taga-Corinto 9