23. Sa halaga kayo'y binili; huwag kayong maging mga alipin ng mga tao.
24. Mga kapatid, bayaang ang bawa't isa'y manatili sa Dios sa kalagayang itinawag sa kaniya.
25. Ngayon, tungkol sa mga dalaga ay wala akong utos ng Panginoon: nguni't ibinibigay ko ang aking pasiya, na tulad sa nagkamit ng habag ng Panginoon upang mapagkatiwalaan.
26. Inaakala ko ngang mabuti ito dahil sa kasalukuyang kahapisan, sa makatuwid baga'y mabuti ngang ang tao'y manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan.
27. Natatali ka ba sa asawa? huwag mong pagsikapang ikaw ay makakalag. Ikaw baga'y kalag sa asawa? huwag kang humanap ng asawa.
28. Nguni't kung ikaw ay magasawa, ay hindi ka nagkakasala; at kung ang isang dalaga ay magasawa, ay hindi siya nagkakasala. Datapuwa't ang mga gayon ay magkakaroon ng kahirapan sa laman: at ibig ko sanang kayo'y iligtas.
29. Nguni't sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahon ay pinaikli, upang mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala;
30. At ang mga nagsisiiyak, ay maging tulad sa mga hindi nagsisiiyak; at ang nangagagalak, ay maging tulad sa hindi nangagagalak; at ang mga nagsisibili, ay maging tulad sa mga walang inaari;
31. At ang mga nagsisigamit ng sanglibutan, ay maging tulad sa hindi nangagpapakalabis ng paggamit: sapagka't ang kaasalan ng sanglibutang ito ay lumilipas.
32. Datapuwa't ang ibig ko ay mawalan kayo ng kabalisahan. Ang walang asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, kung paanong makalulugod sa Panginoon:
33. Nguni't ang may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa,
34. At nagkakabahagi ang isipan. Gayon din naman ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu man; nguni't ang babaing may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa.