1 Mga Taga-Corinto 5:6-13 Ang Biblia (TLAB)

6. Hindi mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi baga ninyo nalalaman na ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak?

7. Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo'y maging bagong limpak, na tulad sa kayo'y walang lebadura. Sapagka't ang kordero ng ating paskua ay naihain na, sa makatuwid baga'y si Cristo:

8. Kaya nga ipangilin natin ang pista, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura man ng masamang akala at ng kasamaan, kundi sa tinapay na walang lebadura ng pagtatapat at ng katotohanan.

9. Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid;

10. Tunay nga hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid sa sanglibutang ito, o sa mga masasakim at mga manglulupig, o sa mga mananamba sa diosdiosan; sapagka't kung gayo'y kinakailangang magsialis kayo sa sanglibutan:

11. Datapuwa't sinusulatan ko nga kayo, na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o masakim, o mananamba sa diosdiosan, o mapagtungayaw, o manglalasing, o manglulupig; sa gayo'y huwag man lamang kayong makisalo.

12. Sapagka't ano sa akin ang humatol sa nangasa labas? Hindi baga kayo nagsisihatol sa nangasa loob?

13. Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.

1 Mga Taga-Corinto 5