1 Mga Taga-Corinto 15:9-21 Ang Biblia (TLAB)

9. Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka't pinagusig ko ang iglesia ng Dios.

10. Datapuwa't sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, ako nga'y ako; at ang kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako'y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Dios na sumasa akin.

11. Maging ako nga o sila, ay gayon ang aming ipinangangaral, at gayon ang inyong sinampalatayanan.

12. Kung si Cristo nga'y ipinangangaral na siya'y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay?

13. Datapuwa't kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo:

14. At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya.

15. Oo, at kami ay nasusumpungang mga saksing bulaan tungkol sa Dios; sapagka't aming sinasaksihan tungkol sa Dios, na kaniyang muling binuhay si Cristo; na hindi siyang muling nabuhay, kung tunay nga ang mga patay ay hindi muling binubuhay.

16. Sapagka't kung hindi muling binubuhay ang mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo:

17. At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan kayo'y nasa inyong mga kasalanan pa.

18. Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Cristo ay pawang nangapahamak.

19. Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.

20. Datapuwa't si Cristo nga'y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog.

21. Sapagka't yamang sa pamamagitan ng tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao'y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

1 Mga Taga-Corinto 15