1 Mga Taga-Corinto 15:26-44 Ang Biblia (TLAB)

26. Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.

27. Sapagka't kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa't kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya.

28. At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo'y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.

29. Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila'y binabautismuhan dahil sa kanila?

30. Bakit baga naman tayo'y nanganganib bawa't oras?

31. Ipinahahayag ko alangalang sa ikaluluwalhati ninyo, mga kapatid, na taglay ko kay Cristo Jesus na Panginoon natin na araw-araw ay nasa panganib ng kamatayan ako.

32. Kung ako'y nakipagbaka sa Efeso laban sa mga ganid, ayon sa kaugalian ng tao, ano ang pakikinabangin ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo'y mangamamatay.

33. Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.

34. Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka't may mga ibang walang pagkakilala sa Dios: sinasabi ko ito upang kayo'y kilusin sa kahihiyan.

35. Datapuwa't sasabihin ng iba, Paanong muling bubuhayin ang mga patay? at anong anyo ng katawan ang iparirito nila?

36. Ikaw na mangmang, ang inyong inihahasik ay hindi binubuhay maliban na kung mamatay:

37. At ang iyong inihahasik ay hindi mo inihahasik ang katawang lilitaw, kundi ang butil lamang, na marahil ay trigo, o ibang bagay;

38. Datapuwa't ang Dios ay nagbibigay ng katawan dito ayon sa kaniyang minagaling, at sa bawa't binhi ay ang sariling katawan.

39. Hindi ang lahat ng laman ay magkasing-isang laman: kundi may laman sa mga tao, at ibang laman sa mga hayop, at ibang laman sa mga ibon, at ibang laman sa mga isda.

40. Mayroon namang mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapuwa't iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa.

41. Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka't ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.

42. Gayon din naman ang pagkabuhay na maguli ng mga patay. Itinatanim na may kasiraan; binubuhay na maguli na walang kasiraan;

43. Itinatanim na may pagkasiphayo; binubuhay na maguli na may kaluwalhatian: itinatanim na may kahinaan; binubuhay na maguli na may kapangyarihan:

44. Itinatanim na may katawang ukol sa lupa; binubuhay na maguli na katawang ukol sa espiritu. Kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa espiritu naman.

1 Mga Taga-Corinto 15