1. Ngayo'y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo'y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan,
2. Sa pamamagitan naman nito'y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo'y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan.
3. Sapagka't ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan,
4. At siya'y inilibing; at siya'y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan;
5. At siya'y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa;
6. Pagkatapos ay napakita sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan, na ang karamihan sa mga ito'y nangabubuhay hanggang ngayon, datapuwa't ang mga iba'y nangatulog na;