12. Gayon din naman kayo, na yamang kayo'y mapagsikap sa mga kaloob na ayon sa espiritu ay pagsikapan ninyong kayo'y magsisagana sa ikatitibay ng iglesia.
13. Kaya't ang nagsasalita ng wika ay manalangin na siya'y makapagpaliwanag.
14. Sapagka't kung ako'y nananalangin sa wika, ay nananalangin ang aking espiritu, datapuwa't ang aking pagiisip ay hindi namumunga.
15. Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin din naman ako sa pagiisip: aawit ako sa espiritu, at aawit din naman ako sa pagiisip.
16. Sa ibang paraan, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, ang nasa kalagayan ng di marunong, paanong siya'y makapagsasabi ng Siya nawa, sa iyong pagpapasalamat, palibhasa'y hindi nalalaman ang inyong sinasabi?
17. Sapagka't ikaw sa katotohanan ay nagpapasalamat kang mabuti, datapuwa't ang iba'y hindi napapagtibay.
18. Nagpapasalamat ako sa Dios, na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kay sa inyong lahat:
19. Nguni't sa iglesia ibig ko pang magsalita ng limang salita ng aking pagiisip, upang makapagturo ako naman sa iba, kay sa magsalita ng sangpung libong salita sa wika.
20. Mga kapatid, huwag kayong mangagpakabata sa pagiisip; gayon ma'y sa kahalayan ay mangagpakasanggol kayo, datapuwa't sa pagiisip kayo'y mangagpakatao.
21. Sa kautusan ay nasusulat, sa pamamagitan ng mga taong may iba't ibang wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga taga ibang lupa ay magsasalita ako, sa bayang ito: at gayon ma'y hindi ako pakikinggan nila, ang sabi ng Panginoon.
22. Kaya nga ang mga wika ay pinaka tanda, hindi sa mga nagsisisampalataya; kundi sa mga hindi nagsisisampalataya; nguni't ang panghuhula ay hindi sa mga hindi nagsisisampalataya, kundi sa mga nagsisisampalataya.
23. Kung ang buong iglesia nga'y magkatipon sa isang dako at lahat ay mangagsalita ng mga wika, at mangagsipasok ang mga hindi marurunong o hindi mga nagsisisampalataya, hindi baga nila sasabihing kayo'y mga ulol?
24. Datapuwa't kung ang lahat ay nagsisipanghula, at may pumasok na isang hindi sumasampalataya, o hindi marunong, mahihikayat siya ng lahat, masisiyasat siya ng lahat;
25. Ang mga lihim ng kaniyang puso ay nahahayag; at sa gayo'y magpapatirapa siya at sasamba sa Dios, na sasabihing tunay ngang ang Dios ay nasa gitna ninyo.
26. Ano nga ito, mga kapatid? Pagka kayo'y nangagkakatipon ang bawa't isa sa inyo'y may isang awit, may isang aral, may isang pahayag, may wika, may isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay.
27. Kung nagsasalita ang sinoman ng wika, maging dalawa, o huwag higit sa tatlo, at sunodsunod; at ang isa'y magpaliwanag:
28. Datapuwa't kung walang tagapagpaliwanag ay tumahimik siya sa iglesia; at siya'y magsalita sa kaniyang sarili, at sa Dios.
29. At ang dalawa o tatlo sa mga propeta ay magsipagsalita, at ang mga iba'y mangagsiyasat.