15. Ako'y nagsasalitang tulad sa marurunong; hatulan ninyo ang sinasabi ko.
16. Ang saro ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputolputol, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng katawan ni Cristo?
17. Bagaman tayo'y marami, ay iisa lamang tinapay, iisang katawan: sapagka't tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.
18. Tingnan ninyo ang Israel na ayon sa laman: ang mga nagsisikain baga ng mga hain ay wala kayang pakikipagkaisa sa dambana?
19. Ano ang aking sinasabi? na ang hain baga sa mga diosdiosan ay may kabuluhan? o ang diosdiosan ay may kabuluhan?
20. Subali't sinasabi ko, na ang mga bagay na inihahain ng mga Gentil, ay kanilang inihahain sa mga demonio, at hindi sa Dios: at di ko ibig na kayo'y mangagkaroon ng pakikipagkaisa sa mga demonio.
21. Hindi ninyo maiinuman ang saro ng Panginoon, at ang saro ng mga demonio: kayo'y hindi maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon, at sa dulang ng mga demonio.