1 Mga Hari 6:6-25 Ang Biblia (TLAB)

6. Ang kababababaan ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang grado ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang: sapagka't siya'y gumawa ng mga tungtungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga sikang ay huwag kumapit sa mga pader ng bahay.

7. At ang bahay, nang ginagawa, ay ginawa na mga bato na inihanda sa tibagan ng bato: at wala kahit pamukpok o palakol man, o anomang kasangkapang bakal na narinig sa bahay, samantalang itinatayo.

8. Ang pintuan sa mga kababababaang silid sa tagiliran ay nasa dakong kanan ng bahay: at sa pamamagitan ng isang hagdanang sinuso ay nakapapanhik sa pangalawang grado, at mula sa pangalawang grado ay sa ikatlo.

9. Gayon itinayo niya ang bahay, at tinapos at binubungan ang bahay ng mga sikang at mga tabla ng sedro.

10. At kaniyang ginawa ang mga grado na karatig ng buong bahay, na bawa't isa'y limang siko ang taas: at kumakapit sa bahay sa pamamagitan ng kahoy na sedro.

11. At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Salomon, na sinasabi,

12. Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga palatuntunan, at gagawin ang aking mga kahatulan, at iingatan ang lahat ng aking mga utos upang lakaran; ay akin ngang pagtitibayin ang aking salita sa iyo, na aking sinalita kay David na iyong ama.

13. At ako'y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.

14. Gayon itinayo ni Salomon ang bahay, at tinapos.

15. At kaniyang ginawa ang mga panig sa loob ng bahay na kahoy na sedro; mula sa lapag ng bahay hanggang sa mga panig ng kisame, na kaniyang binalot ng kahoy sa loob; at kaniyang tinakpan ang lapag ng bahay ng tabla na abeto.

16. At siya'y gumawa ng isang silid na dalawang pung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa lapag hanggang sa mga panig sa itaas: na kaniyang ginawa sa loob na ukol sa sanggunian, sa makatuwid baga'y ukol sa kabanalbanalang dako.

17. At ang bahay, sa makatuwid baga'y ang templo sa harap ng sanggunian ay apat na pung siko ang haba.

18. At may mga sedro sa loob ng bahay na inukitan ng kulukuti at mga bukang bulaklak: lahat ay sedro; walang batong makikita.

19. At siya'y naghanda ng isang sanggunian sa gitna ng pinakaloob ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.

20. At ang loob ng sanggunian ay may dalawang pung siko ang haba, at dalawang pung siko ang luwang, at dalawang pung siko ang taas: at binalot niya ng taganas na ginto: at binalot niya ng sedro ang dambana.

21. Sa gayo'y binalot ni Salomon ang loob ng bahay ng taganas na ginto: at kaniyang kinanaan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng sanggunian; at binalot ng ginto.

22. At binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari: gayon din ang buong dambana na nauukol sa sanggunian ay kaniyang binalot ng ginto.

23. At sa sanggunian ay gumawa siya ng dalawang querubin na kahoy na olibo, na bawa't isa'y may sangpung siko ang taas.

24. At limang siko ang isang pakpak ng querubin, at limang siko ang kabilang pakpak ng querubin: mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sangpung siko.

25. At ang isang querubin ay sangpung siko: ang dalawang querubin ay may isang sukat at isang anyo.

1 Mga Hari 6