16. At siya'y gumawa ng isang silid na dalawang pung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa lapag hanggang sa mga panig sa itaas: na kaniyang ginawa sa loob na ukol sa sanggunian, sa makatuwid baga'y ukol sa kabanalbanalang dako.
17. At ang bahay, sa makatuwid baga'y ang templo sa harap ng sanggunian ay apat na pung siko ang haba.
18. At may mga sedro sa loob ng bahay na inukitan ng kulukuti at mga bukang bulaklak: lahat ay sedro; walang batong makikita.
19. At siya'y naghanda ng isang sanggunian sa gitna ng pinakaloob ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.
20. At ang loob ng sanggunian ay may dalawang pung siko ang haba, at dalawang pung siko ang luwang, at dalawang pung siko ang taas: at binalot niya ng taganas na ginto: at binalot niya ng sedro ang dambana.
21. Sa gayo'y binalot ni Salomon ang loob ng bahay ng taganas na ginto: at kaniyang kinanaan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng sanggunian; at binalot ng ginto.
22. At binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari: gayon din ang buong dambana na nauukol sa sanggunian ay kaniyang binalot ng ginto.
23. At sa sanggunian ay gumawa siya ng dalawang querubin na kahoy na olibo, na bawa't isa'y may sangpung siko ang taas.
24. At limang siko ang isang pakpak ng querubin, at limang siko ang kabilang pakpak ng querubin: mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sangpung siko.