18. At nangyari, nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, na ang babaing ito'y nanganak naman; at kami ay magkasama; walang iba sa amin sa bahay, liban sa kaming dalawa sa bahay.
19. At ang anak ng babaing ito ay namatay sa kinagabihan; sapagka't kaniyang nahigan.
20. At siya'y bumangon sa hating gabi, at kinuha niya ang anak kong lalake sa siping ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog, at inihiga niya sa kaniyang sinapupunan, at inilagay ang kaniyang patay na anak sa aking sinapupunan.
21. At nang ako'y bumangon sa kinaumagahan upang aking pasusuhin ang aking anak, narito, siya'y patay: nguni't nang aking kilalanin ng kinaumagahan, narito, hindi ang aking anak na aking ipinanganak.
22. At sinabi ng isang babae, Hindi; kundi ang buhay ay aking anak at ang patay ay iyong anak. At sinabi ng isa: Hindi; kundi ang patay ay ang iyong anak, at ang buhay ay siyang aking anak. Ganito sila nangagsalita sa harap ng hari.
23. Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Ang isa'y nagsasabi, Ang aking anak ay ang buhay, at ang iyong anak ay ang patay: at ang isa'y nagsasabi, Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buhay.
24. At sinabi ng hari, Dalhan ninyo ako ng isang tabak. At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.