1 Mga Hari 22:31-44 Ang Biblia (TLAB)

31. Ang hari nga ng Siria ay nagutos sa tatlong pu't dalawang punong kawal ng kaniyang mga karo, na nagsasabi, Huwag kayong magsilaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari sa Israel.

32. At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo si Josaphat na kanilang sinabi, Walang pagsalang hari sa Israel; at sila'y nagsibalik upang magsilaban sa kaniya: at si Josaphat ay humiyaw.

33. At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo na hindi siyang hari sa Israel, na sila'y humiwalay ng paghabol sa kaniya.

34. At inihilagpos ng isang lalake ang kaniyang pana sa pagbabakasakali, at tinamaan ang hari sa Israel sa pagitan ng mga pagkakasugpong ng sakbat; kaya't kaniyang sinabi sa nagpapatakbo ng kaniyang karo, Ipihit mo ang iyong kamay, at ihiwalay mo ako sa hukbo; sapagka't ako'y nasugatan ng malubha.

35. At ang pagbabaka ay lumala nang araw na yaon; at ang hari ay natigil sa kaniyang karo sa harap ng mga taga Siria, at namatay sa kinahapunan: at ang dugo ay bumuluwak sa sugat sa pinakaloob ng karo.

36. At nagkaroon ng hiyawan sa buong hukbo sa may paglubog ng araw, na nagsasabi, Bawa't lalake ay sa kaniyang bayan, at bawa't lalake ay sa kaniyang lupain.

37. Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria; at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.

38. At kanilang hinugasan ang karo sa tabi ng tangke ng Samaria; at hinimuran ng mga aso ang kaniyang dugo (ang mga masamang babae nga ay nagsipaligo roon;) ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita.

39. Ang iba nga sa mga gawa ni Achab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kaniyang itinayo, at ang lahat na bayan na kaniyang itinayo, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

40. Sa gayo'y natulog si Achab na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Ochozias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

41. At si Josaphat na anak ni Asa ay nagpasimulang maghari sa Juda, nang ikaapat na taon ni Achab na hari sa Israel.

42. Si Josaphat ay tatlong pu't limang taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang pu't limang taon sa Jerusalem. At ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silai.

43. At siya'y lumakad ng buong lakad ni Asa na kaniyang ama; hindi siya lumiko sa paggawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon: gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang bayan ay nagpatuloy na naghahain, at nagsusunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.

44. At si Josaphat ay nakipagpayapaan sa hari ng Israel.

1 Mga Hari 22