1 Mga Hari 21:10-21 Ang Biblia (TLAB)

10. At lumagay ang dalawang lalake na mga hamak na tao sa harap niya, at mangagsisaksi laban sa kaniya, na magsipagsabi, Ikaw ay namusong sa Dios at sa hari. At ilabas nga siya, at batuhin siya upang siya'y mamatay.

11. At ginawa ng mga tao sa kaniyang bayan, sa makatuwid baga'y ng mga matanda at ng mga maginoo na nagsisitahan sa kaniyang bayan, kung ano ang ipinagutos ni Jezabel sa kanila, ayon sa nangasusulat sa mga sulat na kaniyang ipinadala sa kanila.

12. Sila'y nangagtanyag ng isang ayuno, at inilagay si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan.

13. At ang dalawang lalake na mga hamak na tao ay nagsipasok at nagsiupo sa harap niya: at ang mga lalake na hamak ay nagsisaksi laban sa kaniya, sa makatuwid baga'y laban kay Naboth sa harap ng bayan, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay namusong sa Dios at sa hari. Nang magkagayo'y inilabas nila sa bayan, at binato nila siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay.

14. Nang magkagayo'y sila'y nagsipagsugo kay Jezabel, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay.

15. At nangyari, nang mabalitaan ni Jezabel na si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay, na sinabi ni Jezabel kay Achab, Ikaw ay bumangon, ariin mo ang ubasan ni Naboth, na Jezreelita na kaniyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi: sapagka't si Naboth ay hindi buhay, kundi patay.

16. At nangyari, nang mabalitaan ni Achab na patay si Naboth, na bumangon si Achab na bumaba sa ubasan ni Naboth na Jezreelita, upang ariin.

17. At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na nagsabi,

18. Bumangon ka, panaugin mong salubungin si Achab na hari ng Israel, na tumatahan sa Samaria: narito, siya'y nasa ubasan ni Naboth na kaniyang pinapanaog upang ariin.

19. At iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyo bang pinatay at iyo rin namang inari? at iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Naboth ay hihimuran ng mga aso ang iyong dugo, sa makatuwid baga'y ang iyong dugo.

20. At sinabi ni Achab kay Elias, Nasumpungan mo ba ako, Oh aking kaaway? At sumagot siya, Nasumpungan kita: sapagka't ikaw ay napabili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

21. Narito, aking dadalhan ng kasamaan ka, at aking lubos na papalisin ka, at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't anak na lalake, at ang nakukulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.

1 Mga Hari 21