1 Mga Hari 2:9-26 Ang Biblia (TLAB)

9. Ngayon nga'y huwag mong ariing walang sala, sapagka't ikaw ay lalaking pantas: at iyong maaalaman ang dapat gawin sa kaniya, at iyong ilusong na may dugo ang kaniyang uban sa ulo sa Sheol.

10. At si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David.

11. At ang mga araw na ipinaghari ni David sa Israel ay apat na pung taon: pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlong pu't tatlong taong naghari siya sa Jerusalem.

12. At si Salomon ay naupo sa luklukan ni David na kaniyang ama: at ang kaniyang kaharian ay natatag na mainam.

13. Nang magkagayo'y si Adonia na anak ni Hagith ay naparoon kay Bath-sheba na ina ni Salomon. At kaniyang sinabi, Naparirito ka bang payapa? At sinabi niya, Payapa.

14. Kaniyang sinabi bukod dito: Mayroon pa akong sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Sabihin mo.

15. At kaniyang sinabi, Talastas mo na ang kaharian ay naging akin, at itinitig ng buong Israel ang kanilang mukha sa akin, upang ako'y maghari: gayon ma'y ang kaharian ay nagbago, at napasa aking kapatid: sapagka't kaniya sa ganang Panginoon.

16. At ngayo'y hihingi ako ng isang hiling sa iyo, huwag mo akong pahindian. At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo.

17. At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong salitain kay Salomon na hari, (sapagka't hindi siya pahihindi sa iyo,) na ibigay niyang asawa sa akin si Abisag na Sunamita.

18. At sinabi ni Bath-sheba, Mabuti; aking ipakikiusap ka sa hari.

19. Si Bath-sheba nga'y naparoon sa haring Salomon, upang ipakiusap sa kaniya si Adonia. At tumindig ang hari na sinalubong siya, at yumukod siya sa kaniya, at umupo sa kaniyang luklukan, at nagpalagay ng luklukan para sa ina ng hari; at siya'y naupo sa kaniyang kanan.

20. Nang magkagayo'y sinabi niya, Ako'y humihingi ng isang munting hiling sa iyo: huwag mo akong pahindian. At sinabi ng hari sa kaniya, Hilingin mo, ina ko: sapagka't hindi kita pahihindian.

21. At sinabi niya, Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na kay Adonia.

22. At ang haring Salomon ay sumagot, at nagsabi sa kaniyang ina, At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonia? hilingin mo para sa kaniya pati ng kaharian; sapagka't siya'y aking matandang kapatid; oo, para sa kaniya, at kay Abiathar na saserdote, at kay Joab na anak ni Sarvia.

23. Nang magkagayo'y isinumpa ng haring Salomon ang Panginoon, na sinasabi, Hatulan ako ng Dios, at lalo na kung si Adonia ay hindi nagsalita ng salitang ito laban sa kaniyang sariling buhay.

24. Ngayon nga'y buhay ang Panginoon, na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa luklukan ni David na aking ama, at siyang gumawa sa akin ng isang bahay, gaya ng kaniyang ipinangako, tunay na si Adonia ay papatayin sa araw na ito.

25. At nagsugo ang haring Salomon sa pamamagitan ng kamay ni Benaia na anak ni Joiada; at siyang dumaluhong sa kaniya, na anopa't siya'y namatay.

26. At kay Abiathar na saserdote ay sinabi ng hari, Umuwi ka sa Anathoth, sa iyong sariling mga bukid; sapagka't ikaw ay karapatdapat sa kamatayan: nguni't sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagka't iyong dinala ang kaban ng Panginoong Dios sa harap ni David na aking ama, at sapagka't ikaw ay napighati sa lahat ng kinapighatian ng aking ama.

1 Mga Hari 2