1 Mga Hari 2:30-44 Ang Biblia (TLAB)

30. At si Benaia ay naparoon sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng hari, Lumabas ka. At kaniyang sinabi, Hindi; kundi ako'y mamamatay rito, At dinala ni Benaia sa hari ang salita uli, na sinasabi, Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.

31. At sinabi ng hari sa kaniya, Gawin kung paano ang sinabi niya, at daluhungin mo siya, at ilibing mo siya; upang iyong maalis ang dugo na ibinubo ni Joab ng walang kadahilanan sa akin at sa sangbahayan ng aking ama.

32. At ibabalik ng Panginoon ang kaniyang dugo sa kaniyang sariling ulo, sapagka't siya'y dumaluhong sa dalawang lalake, na lalong matuwid, at maigi kay sa kaniya, at mga pinatay ng tabak, at hindi nalalaman ng aking amang si David, sa makatuwid baga'y si Abner na anak ni Ner, na puno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jether, na puno ng hukbo ng Juda.

33. Sa gayo'y ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kaniyang binhi magpakailan man: nguni't kay David, at sa kaniyang binhi, at sa kaniyang sangbahayan, sa kaniyang luklukan ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailan man na mula sa Panginoon.

34. Nang magkagayo'y sinampa ni Benaia na anak ni Joiada, at dinaluhong siya, at pinatay siya; at siya'y inilibing sa kaniyang sariling bahay sa ilang.

35. At inilagay ng hari si Benaia na anak ni Joiada na kahalili niya sa hukbo: at si Sadoc na saserdote ay inilagay ng hari na kahalili ni Abiathar.

36. At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at sinabi sa kaniya, Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at tumahan ka roon, at huwag kang pumaroon saan man na mula roon.

37. Sapagka't sa araw na ikaw ay lumabas, at tumawid sa batis ng Cedron, talastasin mong mainam, na ikaw ay walang pagsalang mamamatay: ang iyong dugo ay sasa iyong sariling ulo.

38. At sinabi ni Semei sa hari, Ang sabi ay mabuti: kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod. At si Semei ay tumahan sa Jerusalem na malaon.

39. At nangyari, sa katapusan ng tatlong taon, na dalawa sa mga alipin ni Semei ay tumanan na pumaroon kay Achis, na anak ni Maacha, hari sa Gath. At kanilang sinaysay kay Semei, na sinasabi, Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gath.

40. At tumindig si Semei, at siniyahan ang kaniyang asno, at napasa Gath kay Achis, upang hanapin ang kaniyang mga alipin: at si Semei ay yumaon at dinala ang kaniyang mga alipin mula sa Gath.

41. At nasaysay kay Salomon na si Semei ay naparoon sa Gath mula sa Jerusalem, at bumalik uli.

42. At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at nagsabi sa kaniya, Di ba ipinasumpa ko sa iyo ang Panginoon, at ipinatalastas kong totoo sa iyo, na aking sinasabi, Talastasin mong tunay na sa araw na ikaw ay lumabas, at yumaon saan man, ay walang pagsalang mamamatay ka? at iyong sinabi sa akin. Ang sabi na aking narinig ay mabuti.

43. Bakit nga hindi mo iningatan ang sumpa sa Panginoon, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?

44. Sinabi pa ng hari kay Semei, Iyong talastas ang buong kasamaan na nalalaman ng iyong puso, na iyong ginawa kay David na aking ama: kaya't ibabalik ng Panginoon ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo.

1 Mga Hari 2