31. At kumuha si Elias ng labing dalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kaniya ang salita ng Panginoon ay dumating, na sinasabi, Israel ang magiging iyong pangalan.
32. At sa pamamagitan ng mga bato ay kaniyang itinayo ang dambana sa pangalan ng Panginoon; at kaniyang nilagyan ng hukay sa palibot ng dambana, na ang laki ay kasisidlan ng dalawang takal na binhi.
33. At kaniyang inilagay ang kahoy na maayos, at kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kaniyang sinabi, Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na susunugin, at sa kahoy.
34. At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikalawa; at kanilang ginawang ikalawa. At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikaitlo; at kanilang ginawang ikaitlo.
35. At ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana; at kaniyang pinuno naman ng tubig ang hukay.
36. At nangyari, sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, na si Elias, na propeta ay lumapit, at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, pakilala ka sa araw na ito, na ikaw ay Dios sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat na bagay na ito sa iyong salita.
37. Dinggin mo ako, Oh Panginoon, dinggin mo ako, upang matalastas ng bayang ito, na ikaw, na Panginoon, ay Dios, at iyong pinapanumbalik ang kanilang puso.
38. Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay nalaglag, at sinupok ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok, at hinimuran ang tubig na nasa hukay.
39. At nang makita ng buong bayan, sila'y nagpatirapa: at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios.
40. At sinabi ni Elias sa kanila, Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag makatanan ang sinoman sa kanila. At kanilang dinakip sila: at sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Cison, at pinatay roon.
41. At sinabi ni Elias kay Achab, Ikaw ay umahon, kumain ka at uminom ka; sapagka't may hugong ng kasaganaan ng ulan.
42. Sa gayo'y umahon si Achab upang kumain at uminom. At si Elias ay umahon sa taluktok ng Carmelo; at siya'y yumukod sa lupa, at inilagay ang kaniyang mukha sa pagitan ng kaniyang mga tuhod.
43. At kaniyang sinabi sa kaniyang lingkod, Umahon ka ngayon, tumingin ka sa dakong dagat. At siya'y umahon at tumingin, at nagsabi, Walang anomang bagay. At kaniyang sinabi, Yumaon ka uling makapito.
44. At nangyari, sa ikapito, na kaniyang sinabi, Narito, may bumangong isang ulap sa dagat, na kasingliit ng kamay ng isang lalake. At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon, sabihin mo kay Achab, Ihanda mo ang iyong karo, at ikaw ay lumusong baka ka mapigil ng ulan.
45. At nangyari, pagkaraan ng sangdali, na ang langit ay nagdilim sa alapaap at hangin, at nagkaroon ng malakas na ulan. At si Achab ay sumakay, at naparoon sa Jezreel.
46. At ang kamay ng Panginoon ay nasa kay Elias; at kaniyang binigkisan ang kaniyang mga balakang, at tumakbong nagpauna kay Achab sa pasukan ng Jezreel.