1 Mga Hari 18:17-30 Ang Biblia (TLAB)

17. At nangyari, nang makita ni Achab si Elias, na sinabi ni Achab sa kaniya, Di ba ikaw, ang mangbabagabag sa Israel?

18. At siya'y sumagot, Hindi ko binagabag ang Israel; kundi ikaw, at ang sangbahayan ng iyong ama, sa inyong pagkapabaya ng mga utos ng Panginoon, at ikaw ay sumunod kay Baal.

19. Ngayon nga'y magsugo ka, at pisanin mo sa akin ang buong Israel sa bundok ng Carmelo, at ang mga propeta ni Baal na apat na raan at limangpu, at ang mga propeta ni Asera na apat na raan, na nagsikain sa dulang ni Jezabel.

20. Sa gayo'y nagsugo si Achab sa lahat ng mga anak ni Israel, at pinisan ang mga propeta sa bundok ng Carmelo.

21. At si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni't kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.

22. Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, Ako, ako lamang, ang naiwang propeta ng Panginoon; nguni't ang mga propeta ni Baal ay apat na raan at limang pung lalake.

23. Bigyan nga nila tayo ng dalawang baka; at pumili sila sa ganang kanila ng isang baka, at katayin, at ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim: at ihahanda ko ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko lalagyan ng apoy sa ilalim.

24. At tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, at tatawagan ko ang pangalan ng Panginoon: at ang Dios na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang maging Dios. At ang buong bayan ay sumagot, at nagsabi, Mabuti ang pagkasabi.

25. At sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, Magsipili kayo ng isang baka sa ganang inyo, at inyong ihandang una, sapagka't kayo'y marami; at tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, nguni't huwag ninyong lagyan ng apoy sa ilalim.

26. At kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, at kanilang inihanda, at tinawagan ang pangalan ni Baal mula sa kinaumagahan hanggang sa kinatanghaliang tapat, na nagsisipagsabi, Oh Baal dinggin mo kami. Nguni't walang tinig, o sinomang sumagot. At sila'y nagsisilukso sa siping ng dambana na ginawa.

27. At nangyari, nang kinatanghaliang tapat, na biniro sila ni Elias, at sinabi, Sumigaw kayo ng malakas: sapagka't siya'y dios; siya nga'y nagmumunimuni, o nasa tabi, o nasa paglalakbay, o marahil siya'y natutulog, at marapat gisingin.

28. At sila'y nagsisigaw ng malakas, at sila'y nagsipagkudlit ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumuluwak ang dugo sa kanila.

29. At nangyari nang makaraan ang kinatanghaliang tapat, na sila'y nanghula hanggang sa oras ng paghahandog ng alay na ukol sa hapon: nguni't wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig.

30. At sinabi ni Elias sa buong bayan, Lumapit kayo sa akin; at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya. At kaniyang inayos ang dambana ng Panginoon na nabagsak.

1 Mga Hari 18