12. At mangyayari, pagkahiwalay ko sa iyo na dadalhin ka ng Espiritu ng Panginoon sa hindi ko nalalaman; na anopa't pagka ako'y pumaroon at isinaysay ko kay Achab, at ikaw ay hindi niya nasumpungan, papatayin niya ako: nguni't akong iyong lingkod ay natatakot sa Panginoon mula sa aking pagkabinata.
13. Hindi ba nasaysay sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezabel ang mga propeta ng Panginoon, kung paanong nagkubli ako ng isang daan sa mga propeta ng Panginoon, na limalimangpu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig?
14. At ngayo'y iyong sinasabi, Ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon. Narito, si Elias ay nandito; at papatayin niya ako.
15. At sinabi ni Elias, Buhay ang Panginoon ng mga hukbo, na sa harap niya'y nakatayo ako, ako'y walang salang pakikita sa kaniya ngayon.
16. Sa gayo'y yumaon si Abdias upang salubungin si Achab, at sinaysay sa kaniya: at si Achab ay yumaon upang salubungin si Elias.
17. At nangyari, nang makita ni Achab si Elias, na sinabi ni Achab sa kaniya, Di ba ikaw, ang mangbabagabag sa Israel?
18. At siya'y sumagot, Hindi ko binagabag ang Israel; kundi ikaw, at ang sangbahayan ng iyong ama, sa inyong pagkapabaya ng mga utos ng Panginoon, at ikaw ay sumunod kay Baal.
19. Ngayon nga'y magsugo ka, at pisanin mo sa akin ang buong Israel sa bundok ng Carmelo, at ang mga propeta ni Baal na apat na raan at limangpu, at ang mga propeta ni Asera na apat na raan, na nagsikain sa dulang ni Jezabel.
20. Sa gayo'y nagsugo si Achab sa lahat ng mga anak ni Israel, at pinisan ang mga propeta sa bundok ng Carmelo.
21. At si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni't kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.
22. Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, Ako, ako lamang, ang naiwang propeta ng Panginoon; nguni't ang mga propeta ni Baal ay apat na raan at limang pung lalake.