1 Mga Hari 13:8-15 Ang Biblia (TLAB)

8. At sinabi ng lalake ng Dios sa hari, Kung ang ibibigay mo sa akin ay kalahati ng iyong bahay ay hindi ako yayaong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito:

9. Sapagka't gayon ibinilin sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na sinasabi, Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.

10. Sa gayo'y yumaon siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kaniyang pinanggalingan sa Beth-el.

11. Tumatahan nga ang isang matandang propeta sa Beth-el; at isa sa kaniyang mga anak ay naparoon, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng mga gawa na ginawa ng lalake ng Dios sa araw na yaon sa Beth-el: ang mga salita na kaniyang sinalita sa hari, ay siya ring isinaysay nila sa kanilang ama.

12. At sinabi ng kanilang ama sa kanila, Saan siya napatungo? At itinuro sa kaniya ng kaniyang mga anak ang daang pinatunguhan ng lalake ng Dios na nanggaling sa Juda.

13. At sinabi niya sa kaniyang mga anak, Siyahan ninyo sa akin ang asno. Sa gayo'y kanilang siniyahan ang asno sa kaniya: at kaniyang sinakyan.

14. At kaniyang sinundan ang lalake ng Dios, at nasumpungan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng encina: at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ba ang lalake ng Dios na nanggaling sa Juda? At sinabi niya, Ako nga.

15. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Umuwi kang kasama ko, at kumain ng tinapay.

1 Mga Hari 13