1 Mga Hari 12:14-30 Ang Biblia (TLAB)

14. At nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga binata, na nagsasabi, Pinabigat ng aking ama ang atang sa inyo, nguni't dadagdagan ko pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

15. Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan; sapagka't bagay na buhat sa Panginoon upang kaniyang itatag ang kaniyang salita, na sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nabat.

16. At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, ay sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? at wala man kaming mana sa anak ni Isai: sa iyong mga tolda, Oh Israel: ngayon ikaw ang bahala ng iyong sariling sangbahayan, David. Sa gayo'y yumaon ang Israel sa kanikaniyang tolda.

17. Nguni't tungkol sa mga anak ni Israel na nagsitahan sa mga bayan ng Juda, ay pinagharian sila ni Roboam.

18. Nang magkagayo'y sinugo ng haring Roboam si Adoram na nasa pagpapaatag; at binato ng buong Israel siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay. At nagmadali ang haring Roboam na sumakay sa kaniyang karo, upang tumakas sa Jerusalem.

19. Gayon nanghimagsik ang Israel laban sa sangbahayan ni David, hanggang sa araw na ito.

20. At nangyari, nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik, na sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapisanan, at ginawa siyang hari sa buong Israel: walang sumunod sa sangbahayan ni David, kundi ang lipi ni Juda lamang.

21. At nang dumating si Roboam sa Jerusalem, kaniyang pinisan ang buong sangbahayan ng Juda, at ang lipi ni Benjamin, na isang daan at walong pung libo na piling lalake, na mga mangdidigma, upang magsilaban sa sangbahayan ng Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam na anak ni Salomon.

22. Nguni't ang salita ng Dios ay dumating kay Semeias na lalake ng Dios, na nagsasabi,

23. Salitain mo kay Roboam na anak ni Salomon, na hari sa Juda, at sa buong sangbahayan ng Juda, at ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na sabihin,

24. Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y huwag magsisiahon o magsisilaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel: bumalik ang bawa't isa sa kaniyang bahay; sapagka't ang bagay na ito ay mula sa akin. Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y nagsibalik at nagsiyaon, ayon sa salita ng Panginoon.

25. Nang magkagayo'y itinayo ni Jeroboam ang Sichem sa lupaing maburol ng Ephraim, at tumahan doon; at siya'y umalis mula roon, at itinayo ang Penuel.

26. At sinabi ni Jeroboam sa kaniyang sarili, Ngayo'y mababalik ang kaharian sa sangbahayan ni David:

27. Kung ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga hain sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso nga ng bayang ito'y mababalik sa kanilang panginoon, sa makatuwid baga'y kay Roboam na hari sa Juda; at ako'y papatayin nila, at mababalik kay Roboam na hari sa Juda.

28. Kaya't ang hari ay kumuhang payo, at gumawa ng dalawang guyang ginto; at sinabi niya sa kanila, Mahirap sa inyo na magsiahon sa Jerusalem; tingnan mo ang iyong mga dios, Oh Israel, na iniahon ka mula sa lupain ng Egipto.

29. At inilagay niya ang isa sa Bethel, at ang isa'y inilagay sa Dan.

30. At ang bagay na ito ay naging kasalanan: sapagka't ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng isa, hanggang sa Dan.

1 Mga Hari 12