26. At si Jeroboam na anak ni Nabat, na Ephrateo sa Sereda, na lingkod ni Salomon, na ang pangalan ng ina ay Serva, na baong babae, ay nagtaas din ng kaniyang kamay laban sa hari.
27. At ito ang kadahilanan ng kaniyang pagtataas ng kaniyang kamay laban sa hari: itinayo ni Salomon ang Millo at hinusay ang sira ng bayan ni David na kaniyang ama.
28. At ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalake na matapang: at nakita ni Salomon ang binata na masipag, at kaniyang ipinagkatiwala sa kaniya ang lahat na gawain ng sangbahayan ni Jose.
29. At nangyari, nang panahong yaon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, na nasalubong siya sa daan ng propeta Ahias na Silonita; si Ahias nga ay may suot na bagong kasuutan; at silang dalawa ay nag-iisa sa parang.
30. At tinangnan ni Ahias ang bagong kasuutan na nakasuot sa kaniya, at hinapak ng labing dalawang putol.
31. At kaniyang sinabi kay Jeroboam, Kunin mo sa iyo ang sangpung putol: sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Salomon, at ibibigay ko ang sangpung lipi sa iyo: