1 Mga Hari 11:22-36 Ang Biblia (TLAB)

22. Sinabi nga ni Faraon sa kaniya, Datapuwa't anong ipinagkukulang mo sa akin, na, narito, ikaw ay nagsisikap na umuwi sa iyong sariling lupain? At siya'y sumagot: Wala: gayon ma'y isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako sa anomang paraan.

23. At ipinagbangon ng Dios si Salomon ng ibang kaaway, na si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kaniyang panginoong kay Adadezer na hari sa Soba:

24. At siya'y nagpisan ng mga lalake, at naging puno sa isang hukbo, nang patayin ni David ang mga taga Soba; at sila'y nagsiparoon sa Damasco, at tumahan doon, at naghari sa Damasco.

25. At siya'y naging kaaway ng Israel sa lahat ng kaarawan ni Salomon, bukod pa sa ligalig na ginawa ni Adad: at kaniyang kinapootan ang Israel, at naghari sa Siria.

26. At si Jeroboam na anak ni Nabat, na Ephrateo sa Sereda, na lingkod ni Salomon, na ang pangalan ng ina ay Serva, na baong babae, ay nagtaas din ng kaniyang kamay laban sa hari.

27. At ito ang kadahilanan ng kaniyang pagtataas ng kaniyang kamay laban sa hari: itinayo ni Salomon ang Millo at hinusay ang sira ng bayan ni David na kaniyang ama.

28. At ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalake na matapang: at nakita ni Salomon ang binata na masipag, at kaniyang ipinagkatiwala sa kaniya ang lahat na gawain ng sangbahayan ni Jose.

29. At nangyari, nang panahong yaon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, na nasalubong siya sa daan ng propeta Ahias na Silonita; si Ahias nga ay may suot na bagong kasuutan; at silang dalawa ay nag-iisa sa parang.

30. At tinangnan ni Ahias ang bagong kasuutan na nakasuot sa kaniya, at hinapak ng labing dalawang putol.

31. At kaniyang sinabi kay Jeroboam, Kunin mo sa iyo ang sangpung putol: sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Salomon, at ibibigay ko ang sangpung lipi sa iyo:

32. (Nguni't mapapasa kaniya ang isang lipi dahil sa aking lingkod na si David, at dahil sa Jerusalem, na bayan na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel:)

33. Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at sinamba si Astaroth na diosa ng mga Sidonio, si Chemos na dios ng Moab, at si Milcom na dios ng mga anak ni Ammon; at sila'y hindi nagsilakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang ingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan, na gaya ng ginawa ni David na kaniyang ama.

34. Gayon ma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kaniyang kamay: kundi aking gagawin siyang prinsipe sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, dahil kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagka't kaniyang iningatan ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan:

35. Kundi aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kaniyang anak, at ibibigay ko sa iyo, sa makatuwid baga'y ang sangpung lipi.

36. At sa kaniyang anak, ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailan man sa harap ko sa Jerusalem, na bayang aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.

1 Mga Hari 11