1 Mga Hari 11:11-23 Ang Biblia (TLAB)

11. Kaya't sinabi ng Panginoon kay Salomon, Yamang ito'y nagawa mo, at hindi mo iningatan ang aking tipan, at ang aking mga palatuntunan na aking iniutos sa iyo, walang pagsalang aking aagawin ang kaharian sa iyo, at aking ibibigay sa iyong lingkod.

12. Gayon ma'y sa iyong mga kaarawan ay hindi ko gagawin alangalang kay David na iyong ama: kundi sa kamay ng iyong anak aking aagawin.

13. Gayon ma'y hindi ko aagawin ang buong kaharian; kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alangalang kay David na aking lingkod, at alangalang sa Jerusalem na aking pinili.

14. At ipinagbangon ng Panginoon, si Salomon, ng isang kaaway na si Adad na Idumeo: siya'y sa lahi ng hari sa Edom.

15. Sapagka't nangyari, nang si David ay nasa Edom, at si Joab na puno ng hukbo ay umahon upang ilibing ang mga patay, at masaktan ang lahat na lalake sa Edom;

16. (Sapagka't si Joab at ang buong Israel ay natira roong anim na buwan, hanggang sa kaniyang naihiwalay ang lahat na lalake sa Edom;)

17. Na si Adad ay tumakas, siya at ang ilan sa mga Idumeo na kasama niya na mga bataan ng kaniyang ama, upang pumasok sa Egipto, na si Adad noo'y munting bata pa.

18. At sila'y nagsitindig sa Madian, at naparoon sa Paran; at sila'y nagsipagsama ng mga lalake sa Paran, at sila'y nagsiparoon sa Egipto, kay Faraon na hari sa Egipto; na siyang nagbigay sa kaniya ng bahay, at naghanda sa kaniya ng pagkain, at nagbigay sa kaniya ng lupa.

19. At si Adad ay nakasumpong ng malaking biyaya sa paningin ni Faraon, na anopa't kaniyang ibinigay na asawa sa kaniya ang kapatid ng kaniyang sariling asawa, ang kapatid ni Thaphenes na reina.

20. At ipinanganak ng kapatid ni Thaphenes sa kaniya si Genubath, na anak na lalake niya, na inihiwalay sa suso ni Thaphenes sa bahay ni Faraon: at si Genubath ay nasa bahay ni Faraon sa kasamahan ng mga anak ni Faraon.

21. At nang mabalitaan ni Adad sa Egipto na si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at si Joab na puno ng hukbo ay namatay, sinabi ni Adad kay Faraon, Payaunin mo ako, upang ako'y makauwi sa aking sariling lupain.

22. Sinabi nga ni Faraon sa kaniya, Datapuwa't anong ipinagkukulang mo sa akin, na, narito, ikaw ay nagsisikap na umuwi sa iyong sariling lupain? At siya'y sumagot: Wala: gayon ma'y isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako sa anomang paraan.

23. At ipinagbangon ng Dios si Salomon ng ibang kaaway, na si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kaniyang panginoong kay Adadezer na hari sa Soba:

1 Mga Hari 11