1 Mga Hari 1:2-15 Ang Biblia (TLAB)

2. Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kaniya, Ihanap ang aking panginoon na hari ng isang dalaga: at patayuin siya sa harap ng hari, at libangin niya siya; at mahiga siya sa iyong sinapupunan, upang ang aking panginoon na hari ay mainitan.

3. Sa gayo'y inihanap nila siya ng isang magandang dalaga sa lahat ng mga hangganan ng Israel, at nasumpungan si Abisag na Sunamita, at dinala sa hari.

4. At ang dalaga ay totoong maganda: at kaniyang nilibang ang hari at nagaalaga sa kaniya; nguni't hindi siya ginalaw ng hari.

5. Nang magkagayo'y nagmataas si Adonia na anak ni Haggith, na nagsabi, Ako'y magiging hari: at siya'y naghanda ng mga karo at mga mangangabayo, at limang pung lalaking mananakbo sa unahan niya.

6. At hindi siya kinasamaan ng loob ng kaniyang ama kailan man, na nagsabi, Bakit ka gumawa ng ganyan? at siya'y totoong makisig na lalake rin naman; at siya'y ipinanganak na kasunod ni Absalom.

7. At siya'y nakipagsalitaan kay Joab na anak ni Sarvia, at sa saserdoteng kay Abiathar: at pagsunod nila kay Adonia ay nagsitulong sa kaniya.

8. Nguni't si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at si Nathan na propeta, at si Semei, at si Reihi, at ang mga makapangyarihang lalake na nauukol kay David, ay hindi kasama ni Adonia.

9. At nagpatay si Adonia ng mga tupa, at mga baka at ng mga pinataba sa siping ng bato ng Zoheleth, na nasa tabi ng Enrogel: at kaniyang tinawag ang lahat niyang kapatid na mga anak ng hari, at ang lahat na lalake sa Juda na mga lingkod ng hari.

10. Nguni't si Nathan na propeta, at si Benaia, at ang mga makapangyarihang lalake, at si Salomon na kaniyang kapatid ay hindi niya tinawag.

11. Nang magkagayo'y nagsalita si Nathan kay Bath-sheba na ina ni Salomon, na nagsasabi, Hindi mo ba nabalitaan na naghahari si Adonia na anak ni Haggith, at hindi nalalaman ni David na ating panginoon?

12. Ngayon nga'y parito ka, isinasamo ko sa iyo, na bigyang payo kita, upang iyong mailigtas ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Salomon.

13. Ikaw ay yumaon, at pasukin mo ang haring si David, at sabihin mo sa kaniya, Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan? bakit nga maghahari si Adonia?

14. Narito, samantalang nagsasalita ka pa roon sa hari, ay papasok naman ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.

15. At pinasok ni Bath-sheba ang hari sa silid; at ang hari ay totoong matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nagaalaga sa hari.

1 Mga Hari 1