1 Mga Hari 1:18-37 Ang Biblia (TLAB)

18. At ngayo'y narito, si Adonia ay naghahari; at ikaw, panginoon ko na hari, ay hindi mo nalalaman;

19. At siya'y pumatay ng mga baka, at mga pinataba, at tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at si Abiathar na saserdote, at si Joab na puno ng hukbo: nguni't si Salomon na iyong lingkod ay hindi niya tinawag.

20. At ikaw, panginoon ko na hari, ang mga mata ng buong Israel ay nasa iyo, upang iyong saysayin sa kanila kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya.

21. Sa ibang paraa'y mangyayari, na pagka ang aking panginoon na hari ay natutulog na kasama ng kaniyang mga magulang, na ako at ang aking anak na si Salomon ay mabibilang sa mga may sala.

22. At, narito, samantalang siya'y nakikipagsalitaan pa sa hari, ay pumasok si Nathan na propeta.

23. At kaniyang isinaysay sa hari, na sinasabi, Narito, si Nathan na propeta. At nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod ng kaniyang mukha sa lupa sa harap ng hari.

24. At sinabi ni Nathan, Panginoon ko, Oh hari, iyo bang sinabi, Si Adonia ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan?

25. Sapagka't siya'y lumusong nang araw na ito, at nagpatay ng mga baka, at mga pinataba, at mga tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at ang mga puno ng hukbo, at si Abiathar na saserdote; at, narito, sila'y nagkakainan at nagiinuman sa harap niya at nagsisipagsabi, Mabuhay ang haring si Adonia.

26. Nguni't ako, akong iyong lingkod, at si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang iyong lingkod na si Salomon, hindi niya tinawag.

27. Ang bagay na ito baga ay ginawa ng aking panginoon na hari, at hindi mo ipinakilala sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya?

28. Nang magkagayo'y sumagot ang haring si David, at nagsabi, Tawagin ninyo sa akin si Bath-sheba. At siya'y pumasok sa harap ng hari, at tumayo sa harap ng hari.

29. At sumumpa ang hari, at nagsabi, Buhay ang Panginoon, na tumubos ng aking kaluluwa sa lahat ng karalitaan,

30. Katotohanang kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, na Dios ng Israel, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan na kahalili ko; katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.

31. Nang magkagayo'y iniyukod ni Bath-sheba ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang sa hari, at nagsabi, Mabuhay ang aking panginoon na haring si David magpakailan man.

32. At sinabi ng haring si David, Tawagin ninyo sa akin si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada. At sila'y pumasok sa harap ng hari.

33. At sinabi ng hari sa kanila, Ipagsama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Salomon sa aking sariling mula, at ilusong ninyo siya sa Gihon.

34. At pahiran siya ng langis doon ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta na maging hari sa Israel: at kayo'y magsihihip ng pakakak, at magsipagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

35. Kung magkagayo'y magsisiahon kayong kasunod niya, at siya'y paririto, at uupo sa aking luklukan: sapagka't siya'y magiging hari, na kahalili ko: at inihalal ko siyang maging prinsipe sa Israel at sa Juda.

36. At si Benaia na anak ni Joiada ay sumagot sa hari, at nagsabi, Siya nawa: ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoon na hari ay magsabi nawa ng ganyan din.

37. Kung paanong ang Panginoon ay sumaaking panginoon na hari ay gayon suma kay Salomon at gawin nawa ang kaniyang luklukang lalong dakila kay sa luklukan ng aking panginoong haring si David.

1 Mga Hari 1