1 Mga Cronica 7:2-19 Ang Biblia (TLAB)

2. At sa mga anak ni Thola: si Uzzi, at si Rephaias, at si Jeriel, at si Jamai, at si Jibsam, at si Samuel, mga pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, sa makatuwid baga'y ni Thola; mga makapangyarihang lalaking may tapang sa kanilang mga lahi: ang kanilang bilang sa mga kaarawan ni David ay dalawang pu't dalawang libo at anim na raan.

3. At ang mga anak ni Uzzi: si Izrahias: at ang mga anak ni Izrahias: si Michael, at si Obadias, at si Joel, si Isias, lima: silang lahat ay mga pinuno.

4. At sa kasamahan nila, ayon sa kanilang mga lahi, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, may mga pulutong ng hukbo sa pakikipagdigma, tatlong pu't anim na libo: sapagka't sila'y nagkaroon ng maraming asawa at mga anak.

5. At ang kanilang mga kapatid sa lahat na angkan ni Issachar, na mga makapangyarihang lalaking may tapang, na nangabilang silang lahat, ayon sa talaan ng lahi, ay walong pu't pitong libo.

6. Ang mga anak ni Benjamin: si Bela, at si Becher, at si Jediael, tatlo.

7. At ang mga anak ni Bela: si Esbon, at si Uzzi, at si Uzziel, at si Jerimoth, at si Iri, lima; mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang, mga makapangyarihang lalaking may tapang; at sila'y nangabilang ayon sa talaan ng lahi, ay dalawang pu't dalawang libo at tatlong pu't apat.

8. At ang mga anak ni Becher: si Zemira, at si Joas, at si Eliezer, at si Elioenai, at si Omri, at si Jerimoth, at si Abias, at si Anathoth, at si Alemeth. Lahat ng ito'y mga anak ni Becher.

9. At sila'y nangabilang ayon sa talaan ng lahi, ayon sa kanilang lahi, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, na mga makapangyarihang lalaking may tapang, dalawang pung libo at dalawang daan.

10. At ang mga anak ni Jediael: si Bilhan: at ang mga anak ni Bilhan: si Jebus, at si Benjamin, at si Aod, at si Chenaana, at si Zethan, at si Tharsis, at si Ahisahar.

11. Lahat ng ito'y mga anak ni Jediael, ayon sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, na mga makapangyarihang lalaking may tapang labing pitong libo at dalawang daan na nakalalabas sa hukbo upang makidigma.

12. Si Suppim rin naman, at si Huppim na mga anak ni Hir, si Husim na mga anak ni Aher.

13. Ang mga anak ni Nephtali: si Jaoel, at si Guni, at si Jezer, at si Sallum, na mga anak ni Bilha.

14. Ang mga anak ni Manases: si Asriel, na siyang ipinanganak ng kaniyang babae na Aramita; ipinanganak niya si Machir na ama ni Galaad.

15. At si Machir ay nagasawa kay Huppim at kay Suppim, na ang pangalan ng kapatid na babae nila ay Maacha; at ang pangalan ng ikalawa ay Salphaad: at si Salphaad ay nagkaanak ng mga babae.

16. At si Maacha na asawa ni Machir ay nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Peres; at ang pangalan ng kaniyang kapatid ay Seres; at ang kaniyang mga anak ay si Ulam at si Recem.

17. At ang mga anak ni Ulam; si Bedan. Ito ang mga anak ni Galaad na anak ni Machir, na anak ni Manases.

18. At ipinanganak ng kaniyang kapatid na babae na si Molechet si Ichod, at si Abiezer, at si Mahala.

19. At ang mga anak ni Semida ay si Ahian, at si Sechem at si Licci, at si Aniam.

1 Mga Cronica 7