3. Bukod din naman dito, sapagka't aking inilagak ang aking loob sa bahay ng aking Dios, na yamang may tinatangkilik ako na aking sariling ginto at pilak, ay aking ibinibigay sa bahay ng aking Dios, bukod sa lahat na aking inihanda na ukol sa banal na bahay;
4. Sa makatuwid baga'y tatlong libong talentong ginto, na ginto sa Ophir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga panig ng mga bahay:
5. Ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak at sa lahat na sarisaring gawain na yayariin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino nga ang naghahandog na kusa upang magtalaga sa Panginoon sa araw na ito?
6. Nang magkagayo'y naghandog na kusa ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang, at ang mga prinsipe ng mga lipi ng Israel, at ang mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng dadaanin, pati ng mga tagapamahala sa gawain ng hari;
7. At ibinigay nila sa paglilingkod sa bahay ng Dios, ay ginto, na limang libong talento, at sangpung libong dariko, at pilak na sangpung libong talento, at tanso na labing walong libong talento, at bakal na isang daang libong talento.
8. At sila'y nangasumpungang may mga mahalagang bato ay nagsipagbigay sa kayamanan ng bahay ng Panginoon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ni Jehiel na Gersonita.
9. Nang magkagayo'y nagalak ang bayan, dahil sa sila'y nangaghandog na kusa, sapagka't sila'y may dalisay na puso na nangaghandog na kusa sa Panginoon: at si David naman na hari ay nagalak ng dakilang pagkagalak.
10. Kaya't pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapisanan; at sinabi ni David, Purihin ka, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na aking ama, magpakailan kailan man.
11. Iyo, Oh Panginoon ang kadakilaan, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, at ang pagtatagumpay, at ang karangalan: sapagka't lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo: iyo ang kaharian, Oh Panginoon, at ikaw ay nataas na pangulo sa lahat.
12. Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.
13. Kaya't ngayon, aming Dios, kami ay nagpasasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.
14. Nguni't sino ako, at ano ang aking bayan, na makapaghahandog na ganyang kusa ayon sa ganitong paraan? sapagka't ang lahat na bagay ay nangagmumula sa iyo, at ang iyong sarili ay aming ibinigay sa iyo.