1. At sinabi ni David na hari sa buong kapisanan, si Salomon na aking anak na siya lamang pinili ng Dios ay bata pa at sariwa, at ang gawain ay malaki; sapagka't ang templo ay hindi ukol sa tao, kundi sa Panginoong Dios.
2. Akin ngang ipinaghanda ng aking buong kaya ang bahay ng aking Dios, ng ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at ng pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at ng tanso na ukol sa mga bagay na tanso, ng bakal na ukol sa mga bagay na bakal, at ng kahoy na ukol sa mga bagay na kahoy; ng mga batong onix, at mga batong pangkalupkop, ng mga batong panggayak, at may sarisaring kulay, at ng lahat na sarisaring mahalagang bato, at ng mga batong marmol na sagana.
3. Bukod din naman dito, sapagka't aking inilagak ang aking loob sa bahay ng aking Dios, na yamang may tinatangkilik ako na aking sariling ginto at pilak, ay aking ibinibigay sa bahay ng aking Dios, bukod sa lahat na aking inihanda na ukol sa banal na bahay;