14. Ang ikalabing isang pinuno sa ikalabing isang buwan ay si Benaias na Piratonita, sa mga anak ni Ephraim: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu't apat na libo.
15. Ang ikalabing dalawang pinuno sa ikalabing dalawang buwan ay si Heldai na Nethophatita, sa Othniel: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu't apat na libo.
16. Bukod dito'y sa mga lipi ng Israel: sa mga Rubenita, si Eliezer, na anak ni Zichri, na tagapamahala; sa mga Simeonita, si Sephatias na anak ni Maacha.
17. Sa Levi, si Hasabias, na anak ni Camuel; sa Aaron, si Sadoc;
18. Sa Juda, si Eliu, isa sa mga kapatid ni David; sa Issachar, si Omri na anak ni Michael:
19. Sa Zabulon, si Ismaias na anak ni Abdias: sa Nephtali, si Jerimoth na anak ni Azriel:
20. Sa mga anak ni Ephraim, si Oseas na anak ni Azazia: sa kalahating lipi ni Manases, si Joel na anak ni Pedaia:
21. Sa kalahating lipi ni Manases sa Galaad, si Iddo na anak ni Zacharias: sa Benjamin, si Jaaciel na anak ni Abner.
22. Sa Dan, si Azarael na anak ni Jeroam. Ang mga ito ang mga pinunong kawal ng mga lipi ng Israel.
23. Nguni't hindi tinuos ni David ang bilang nila mula sa dalawang pung taon na paibaba: sapagka't sinabi ng Panginoon na kaniyang pararamihin ang Israel na gaya ng mga bituin sa langit.
24. Si Joab na anak ni Sarvia ay nagpasimulang bumilang, nguni't hindi natapos; at dumating sa Israel ang pag-iinit dahil dito: ni hindi nalagda ang bilang sa mga alaala ng haring David.
25. At nasa mga ingatang-yaman ng hari, si Azmaveth na anak ni Adiel: at sa mga ingatang-yaman sa mga bukid, sa mga bayan, at sa mga nayon, at sa mga kastilyo ay si Jonathan na anak ni Uzzias:
26. At sa nagsisigawa sa bukiran, na ukol sa pagbubukid sa lupa ay si Izri na anak ni Chelud:
27. At sa mga ubasan ay si Simi na Ramathita: at sa mga pakinabang sa mga ubasan na ukol sa mga kamalig ng alak ay si Zabdias na Siphmita:
28. At sa mga puno ng olibo at sa mga puno ng sikomoro na nangasa mababang lupa ay si Baal-hanan na Gederita: at sa mga kamalig ng langis ay si Joas:
29. At sa mga bakahan na pinasasabsab sa Saron ay si Sitrai na Saronita: at sa mga bakahan na nangasa mga libis ay si Saphat na anak ni Adlai: