8. At sinabi ni David sa Dios, Ako'y nagkasala ng mabigat sa aking paggawa ng bagay na ito: nguni't ngayo'y alisin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagka't aking ginawang may lubhang kamangmangan.
9. At ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na tagakita ni David, na sinasabi,
10. Yumaon ka at magsalita kay David na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga iyan, upang aking magawa sa iyo.
11. Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Piliin mo ang iniibig mo:
12. Tatlong taong kagutom; o tatlong buwan na pagkalipol sa harap ng iyong mga kaaway, samantalang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umabot sa iyo; o kung dili ay tatlong araw na ang tabak ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mangwawasak sa lahat na hangganan ng Israel. Ngayon nga'y akalain mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kaniya na nagsugo sa akin.
13. At sinabi ni David kay Gad, Ako'y totoong nasa kagipitan: ipinamamanhik ko na ihulog mo ako ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka't totoong malaki ang kaniyang kaawaan; at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.
14. Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel: at nabuwal sa Israel ay pitongpung libong lalake.