15. At ang Dios ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem, upang gibain; at nang kaniyang lilipulin, ang Panginoo'y tumingin, at nagsisi siya tungkol sa kasamaan, at sinabi sa manglilipol na anghel, Siya na, ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.
16. At itinanaw ni David ang kaniyang mga mata, at nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at ng langit, na may hawak na tabak sa kaniyang kamay na nakaunat sa Jerusalem. Nang magkagayo'y si David at ang mga matanda, na nangakapanamit ng kayong magaspang ay nangagpatirapa.
17. At sinabi ni David sa Dios, Hindi ba ako ang nagpabilang sa bayan? sa makatuwid baga'y ako yaong nagkasala at gumawa ng totoong kasamaan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon kong Dios, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama; nguni't huwag laban sa iyong bayan, na sila'y masasalot.
18. Nang magkagayo'y inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya'y sumampa, at magtayo ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
19. At si David ay sumampa sa sabi ni Gad na kaniyang sinalita sa pangalan ng Panginoon.
20. At si Ornan ay bumalik at nakita ang anghel; at ang kaniyang apat na anak na kasama niya ay nagsipagkubli. Si Ornan nga ay gumigiik ng trigo.
21. At samantalang si David ay naparoroon kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David, at lumabas sa giikan, at iniyukod kay David ang kaniyang mukha sa lupa.
22. Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Ornan, Ibigay mo sa akin ang dako ng giikang ito, upang aking mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon: sa buong halaga ay ibibigay mo sa akin: upang ang salot ay tumigil sa bayan.
23. At sinabi ni Ornan kay David, Kunin mo, at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa harap ng kaniyang mga mata: narito, aking ibinibigay sa iyo ang mga baka na mga pinakahandog na susunugin, at ang mga kasangkapan ng giikan na pinaka kahoy, at ang trigo na pinakahandog na harina; aking ibinibigay sa lahat.
24. At sinabi ng haring David kay Ornan, Huwag; kundi katotohanang aking bibilhin ng buong halaga: sapagka't hindi ko kukunin ang iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ng handog na susunugin na walang bayad.