4. At kumuha si David sa kaniya ng isang libong karo, at pitong libong mangangabayo, at dalawangpung libong naglalakad: at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karo, nguni't nagtira sa mga yaon ng sa isang daang karo.
5. At nang ang mga taga Siria sa Damasco ay magsiparoon upang magsisaklolo kay Adarezer na hari sa Soba, sumakit si David sa mga taga Siria ng dalawangpu't dalawang libong lalake.
6. Nang magkagayo'y naglagay si David ng mga pulutong sa Siria ng Damasco; at ang mga taga Siria ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saan man siya naparoon.
7. At kinuha ni David ang mga kalasag na ginto, na nangasa mga lingkod ni Adarezer, at pinagdadala sa Jerusalem.
8. At mula sa Thibath at mula sa Chun, na mga bayan ni Adarezer; ay kumuha si David ng totoong maraming tanso, na siyang ginawa ni Salomon na dagatdagatan na tanso, at mga haligi, at mga kasangkapang tanso.